BESTLINK COLLEGE OFF-CAMPUS ACTIVITY UNAUTHORIZED

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KUNG pagbabasehan natin ang inilabas na Show Cause Order (SCO) ng Commission on Higher Education (CHED) kaugnay sa nangyaring selebrasyon ng ika-23 anibersaryo ng Bestlink College of the Philippines (BCP) na ginanap noong nakaraang Linggo, Enero 26, 2025, ito ay hindi awtorisado.

Base sa inilabas na CHED SCO, bago magkaroon ng off-campus activity ang kolehiyo at unibersidad, pinatatakbo man ito ng pribado o gobyerno, ay kailangan nilang humingi ng pahintulot mula sa Commission on Higher Education (CHED).

Kung kaya’t kailangan ng mga eskuwelahan na magsumite ng kanilang requirements at kung inaprubahan ito ng CHED ay saka pa lamang sila dapat magsagawa ng kanilang off-campus activity.

Nakapaloob din sa inilabas na SCO ng CHED na kinakailangang iprayoridad ng mga paaralan ang kaligtasan ng mga estudyante at sambayanang Pilipino.

Dahil sa mga PUNA ng mga magulang na naglabasan sa iba’t ibang social media platforms laban sa isinagawang 23rd Founding Anniversary ng BCP, ay inilabas ang nasabing CHED SCO.

Layunin ng SCO na magsagawa ng imbestigasyon ang CHED hinggil sa naglipanang komento ng netizens laban sa Bestlink College.

Partikular na pinutakte ng mga komento ang inilabas na statement ng Quezon City Government laban sa BCP.

Naglabas ng pahayag ang QC Government matapos magdulot ng matinding trapik sa mga lugar na pick-up points ng mga estudyanteng sumama sa Hermosa, Bataan kung saan isinagawa ang selebrasyon ng ika-23 anibersaryo ng BCP.

Kabilang sa mga lugar na nagkaroon ng matinding trapik na ginawang pick-up point ng mga estudyante ng BCP, ay ang mga lugar na malapit sa SM Novaliches, BCP Campus Novaliches at SM Fairview, pawang sa Lungsod Quezon.

Maging ang QC Government ay nagtaka kung bakit hindi rin ipinaalam sa kanila ng pamunuan ng Bestlink College na magkakaroon sila ng malakihang off-campus activity na nagdulot ng maraming reklamo mula sa mga magulang at mga estudyante ng paaralan.

Kabilang sa mga reklamo ng mga estudyante ang puyat, pagod, gutom, init ng araw at malayong nilakad na umabot ng mahigit kumulang sa apat na kilometro bago sila nakarating sa mga bus na kanilang sasakyan.

Kaya marami sa mga estudyante ang hinimatay ay wala umanong nag-aasikaso sa kanila mula sa BCP management maliban sa kapwa nila mag-aaral.

Ang inaasahan na mag-aasikaso sa mga estudyante mula sa mga guro at propesor nila, ay naunang pang makipag-agawan sa mga bus para sumakay pauwi.

Ang kapabayang ito ng Bestlink College ang dahilan kaya magsasagawa ng imbestigasyon ang QC Council.

Sa press release na inilabas ng QC Government noong Enero 28, nakasaad na “Quezon City Council to investigate private school incident, strengthen student safety measures.”

Nakasentro ang imbestigasyon sa 1). Event Organization and Oversight, 2). Student Safety and Security Protocols, 3). Supervision of Students During Activities, 4). Policies and fees on Mandatory Participation, 5). Stakeholder Feedback and Engagement, 6). Coordination with LGUs and Relevant Authorities, 7). Compliance with National Regulations, 8). Support Systems for Affected Students and Families.

Sa pamamagitan nito ay ayaw na ng QC government na maulit ang nangyaring kapabayang ng Bestlink College sa kanilang mga estudyante.

Naglabas na rin ng statement ang tanggapan ni Sen. Win Gatchalian laban sa BCP, pinatitiyak nito sa CHED na mabigyan ng kaparusahan ang mga responsable sa kapabayaang nangyari sa pagdiriwang ng kanilang anibersaryo.

Minsan nang nabalot sa kontrobersya ang BCP dahil sa nangyaring aksidente ng Panda Coach bus na inarkila nila na sinakyan ng kanilang mga estudyante na nagsagawa ng field trip noon sa Tanay, Rizal.

Sa fieldtrip na ito ay 14 estudyante, at isang driver ang namatay at ikinasugat ng mahigit sa 40 mag-aaral ng BCP.

Sa halip na limitahan ng Bestlink College ang kanilang field trip ay lalo pa nilang dinalasan, hindi lang isang beses nila itong ginagawa sa loob ng isang taon.

Ginawa ring mandatory o sapilitan ng BCP ang pagpapatupad ng kanilang field trip para sa kanilang mga estudyante na may bayarin na mula 6K, 8K, 13K hanggang umaabot pa diumano sa 30K.

Travel and tours na ba ang Bestlink College?

Noong Enero 30, nagsagawa ng rali ang mga estudyante sa harapan ng BCP Campus sa Novaliches, Quezon City, ipinanawagan nila sa pamunuan ng paaralan na baguhin ang kasulukuyan nitong sistema sa fieldtrip.

Nauna rito, naglabas ng official statement ang BCP, sinabi nito na nagdulot ng misinformation/disinformation, hindi totoo at gawa-gawa lang ang mga komento ng netizens laban sa paaralan.

Ginawa pa nitong sinungaling ang mga magulang at estudyante na binatikos ang maling patakaran ng BCP.

Kaya dapat lang na mabigyan ng leksyon nang hindi lumaki ang ulo ng management ng BCP.

oOo

Para sa suhestiyon at reklamo, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

9

Related posts

Leave a Comment