DUMARAMING PUSANG GALA, DAPAT GAWAN NG PARAAN NG LGUs!

RAPIDO NI TULFO

NAGKAKAUBUSAN daw ng bakuna laban sa rabies ang mga lokal na health centers.

Ilang kakilala na ang aking nakausap tungkol sa kawalan ng bakuna sa mga publikong ospital at napipilitang pumunta sa mga pribadong Animal Bite Center na umaabot sa ilang libong piso ang isang set ng bakuna, kabilang dito ang unang dose ng anti-rabies, anti-tetanus at ERIG (Equine Rabies Immunoglobulin).

Karamihan umano sa mga pasyente ngayon ay mga nakagat o nakalmot ng pusa, na dati’y aso ang numero unang dahilan ng pagpapabakuna ng mga nakagat.

Ang problema, hindi lahat ay may kakayahang magbayad ng ilang libong piso para sa bakuna kontra rabies.

Karamihan daw sa mga pasyente ay sinasabihang maghintay kung kailan darating ang delivery ng mga bakuna o pumunta na lang sa private centers.

Kung gayung may kakulangan sa suplay ng bakuna, dapat ay may gawing hakbang na ang mga barangay at lokal na pamahalaan para hulihin ang mga gumagalang pusa at aso lalo na ang mga may kaso na ng pananakit.

Hindi naman agresibo lahat ng mga pusa at aso, lalo na kung ‘di naman sila sinasaktan, pero kung ang mga ito naman ay walang nag-aalaga nararapat lang na akuin ng LGU ang pag-aalaga sa mga ito upang mabakunahan at hindi na dumami pa ang kaso ng nagkakaroon ng rabies.

Dapat ding tiyakin ng lokal na health officials na may sapat silang stock ng bakuna, tulad ng pag-order bago pa ito maubos, hindi kung kailan ubos na ay saka pa lang kayo oorder. Kawawa naman ang mga walang pambayad ng bakuna.

165

Related posts

Leave a Comment