IBINIDA ni Health Secretary Francisco Duque III na maging siya ay naturukan na rin ng bakuna kontra COVID-19.
Base sa report, isinagawa ang pagbabakuna ng unang dose ng Sinovac vaccine kay Duque sa gym ng Department of Health (DOH) sa Manila bandang alas-10:00 ng umaga nitong Biyernes.
Dumaan muna umano ang kalihim sa screening process bago tuluyang binakunahan.
“As I receive my dose of the COVID-19 vaccine today, I invite everyone to do the same, and choose to be protected,” pahayag pa ni Duque, matapos mabakunahan.
“Let us all take part in protecting public health and let us be in unison in spreading one message: that vaccines are safe, and vaccines are effective,” panawagan pa nito.
Matatandaan na si Duque, na isang senior citizen na, ay nagkaroon ng COVID-19 noon at kaagad din namang gumaling.
Isinagawa ang pagtuturok ng Sinovac sa kanya matapos na aprubahan na ang paggamit ng naturang bakuna para sa mga senior citizen.
Si Duque sana ang unang tuturukan ng bakuna sa pagsisimula ng vaccination drive sa bansa noong Marso ngunit hindi ito natuloy dahil dati ay inirerekomenda lamang ang Sinovac sa mga clinically healthy individuals na edad-18 hanggang 59 taong gulang.
Nauna na niyang sinabi na ligtas ang pagbabakuna laban sa ano mang sakit, gaya ng bakuna kontra COVID-19. (RENE CRISOSTOMO)
