NAKARATING na kay Presidente Rodrigo Duterte na may balak gawin ang mga kaalyado ni Leyte Representative at House Majority Leader Martin Romualdez upang maitalaga siya bilang Speaker ng Philippine House of Representatives.
Kaya naman binalaan agad ng pangulo ang kongresista na huwag nang habulin ang House Speakership, at inabisuhan na lang ito na tumakbo para sa ibang pwesto sa Halalan 2022.
Sa isang panayam, maka-ilang araw na ang lumipas, sinabi ni Duterte na susuportahan niya si Romualdez kung sakaling siya ay tatakbo bilang Bise Presidente. Sinundan naman ito ng babala na “Huwag ka na maghabol diyan,” na nagpapahiwatig na huwag nang makipagbunuan si Romualdez sa kasalukuyang House Speaker na si Lord Allan Velasco.
Matatandaang si Duterte mismo ang pumili kay Velasco bilang Speaker of the House, at nagsilbing arkitekto ng “term sharing agreement” kung saan pinalitan ni Velasco si Congressman Alan Peter Cayetano bilang pinuno ng kongreso noong nakaraang Oktubre.
Pinasalamatan naman ni Romualdez ang Presidente sa kanyang suporta ngunit hindi siya naglahad ng kanyang mga plano sa paparating na Halalan, “Sa ngayon, nananatiling bukas ang aking isipan tungkol sa darating na halalan. Ngunit bilang Majority Leader ng Kongreso ako ngayun ay abala upang maipasa ang mga batas na nais maipasa ng Presidente,” sabi ni Romualdez.
Base sa mga huling survey, wala man lang sa top ten si Romuladez sa mga tinatawag na vice-presidentiables.
May mga haka-haka na ang kampo ni Romualdez daw ay nais magsimula ng isang “Coup” sa kongreso upang mapatalsik ang kasalukuyang House Speaker, at siya ang pumalit.
Ayon sa mga source sa loob ng kongreso, layon ng coup na mapalakas ang posisyon ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa kongreso.
Si Romualdez ang kasalukuyang National President ng Lakas-CMD, habang President Emeritus naman ang dating Pangulo na si Gloria Macapagal-Arroyo.
171
