DUTERTE MAY ULTIMATUM KINA CAYETANO AT VELASCO

“IF you do not solve the problem, then I will solve the problem for you. Mamili kayo.”

Ito ang babala ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco sa gitna ng umiinit nilang hidwaan sa speakership.

Sa virtual press conference ng pangulo sa Malacañang Golf Clubhouse, Malacañang Park, Manila, Huwebes ng gabi ay binalaan nito ang dalawa na resolbahin ang bangayan sa liderato ng Kongreso at tiyakin na maipapasa ang P4.5-trillion national budget sa tamang oras.

Kasabay nito, nanawagan din ang Pangulo sa mga mambabatas na huwag siyang idamay sa away ng mga ito.

“Ako gusto ko na maglingkod sa bayan na walang masabi sa akin. Kaya nakikiusap ako sa mga kasama ko sa gobyerno, ‘yung hinalal lalo na, na huwag naman ninyo akong idamay. Ako gusto ko, kayo hindi. Diyan tayo magkaroon ng problema,” ayon sa pangulo sabay sabing sa nangyayaring impasse ngayon ay napilitan na siyang magsalita.

Inamin ng pangulo na maraming problema ang gobyerno.

“Iyang COVID na ‘yan hindi ‘yan umaalis sa Pilipinas matagal na. Lumilipad lang ‘yang mikrobyo na ‘yan diyan sa — dito sa atin. Kung sino lang ang malas madapuan, iyon na ‘yon,” ani Pangulong Duterte.

“So, people are dying, people are sick, people need medicines, at marami pang ibang — sabihin ko sa inyo, alam ninyo iyan. I will not enumerate because alam ninyo. Kayo ang nag-prepare ng budget nga diyan eh. Hindi na rin ako — I will not cite the Constitutional provisions that you have violated ever since. Hindi na ako diyan kasi hindi nito — hindi naman ito away ng legal eh,” dagdag na pahayag ng Punong Ehekutibo.

Pakiusap niya ay ayusin ang problema at isipin ang mga Filipino na nasa ospital ngayon na kailangan ng medisina at iyong mga Pilipinong mamamatay na walang gamot.

“At hindi ko talaga maintindihan isa pa ito na may mamatay sa ospital ng gobyerno dahil walang medisina,” lahad nito.

Kaya ang babala ng Chief Executive ay huwag na huwag siyang makarinig nang may namatay sa ospital ng gobyerno dahil sa covid.

“Sa totoo lang. Ang Kongreso must be generous enough to give us the Bayanihan Act to Heal as One, lahat ng pera nandiyan, anito.

Sa ngayon aniya ay wala pa naman siyang nakitang kalokohan pero ang pakiusap niya ay huwag naman sanang sobrahan ang laro sa Kongreso kung saan ang national budget mismo ang nalagay sa alanganin.

“I am just, you know, appealing to you. Iyong upo nila dito, hindi sabihin na may balak ako. Gusto ko lang sabihin in one straight statement: Either you resolve the issue sa impasse ninyo diyan and pass the budget legally and constitutionally, ‘pag hindi ninyo ginawa, ako ang gagawa para sa inyo,” diing pahayag ng Pangulo.

“Mamili kayo, either we have a — the positive development na maligayahan iyong tao, iyong amo natin — iyong amo natin palagi nasa huli iyan. Mamaya na iyang amo natin, mamamatay na muna iyan o mabubuhay iyan, medisina lang iyan, tapos nakakalimutan natin. We always forget that there is something more higher than just delaying or maneuvering in Congress because everybody wants to be Speaker,” litanya ng Pangulo.

Samantala, wala namang ibibigay na timeline ang Pangulo dahil mga diktador lang aniya ang gumagawa ng ganoon.

“If and when I see that there will be a delay and it will result in the derailment of government service, I will, I said, solve the problem for you,” diing pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)

138

Related posts

Leave a Comment