PINAGPAPALIWANAG ni Senador Imee Marcos ang National Economic Development Authority (NEDA) at Philippine Statistics Authority (PSA) kung bakit isang banyagang kumpanya na nababahiran ng mga kontrobersya ang nanalong bidder para gawin ang National ID system.
Giit ni Marcos, hindi malayong matulad ang usapin sa kaso ng Smartmatic kung kaya’t dapat magpaliwanag ang NEDA at PSA.
“Baka matulad na naman ito sa Smartmatic,” ani Marcos, sabay giit na ang kumpanyang Indian na Madras Security Printers at ang Philippine partner nito na Mega Data Corporation na lang ang natirang kuwalipikadong bidder matapos baguhin ang bidding rules sa kalagitnaan ng bidding process.
“Kung maipaliliwanag kaagad ito ng NEDA at PSA, mababawasan ang agam-agam ng publiko sa gagawing pre-registration ng national ID na nakatakda nang simulan sa October 12 gayundin ang time target na maiparehistro ang 40 milyong mga Pilipino sa susunod na taon at ang kabuuan ng bansa sa kalagitnaan ng 2022,” ani Marcos.
Sinasabing ang orihinal na bidding requirement ay dapat may on-premises system na may siguradong naka-set up na data center sa mapipiling lugar subalit nabago ito at napagpasyahang magkaroon din ng remote hosting ng data sa isang cloud-based system.
Nagback-out ang ibang bidder sa ginawang selection process, dahil gipit na sa panahon para baguhin at ayusin ang kanilang logistics at financial bid proposals at makahabol sa tinakdang deadline na ni-reset ng PSA, ayon sa Philippine Computer Society Foundation.
Iginiit ni Marcos na nananatiling tadtad ng kontrobersya ang Madras sa mga kontrata nito sa ibang mga bansa, tulad ng lumabas na balita sa Bangladeshi media nito lang Hulyo na ang nasabing Indian firm ay bigong makapag-deliver ng halos 500,000 cards para sa driving license project ng Bangladesh Road Transport Authority, kaya napilitan ang kanilang gobyerno na saluhin at akuin ang gastos para matapos ang proyekto.
Iniulat din ng African Media na ang Madras ang nagbigay sa Kenya Bureau of Standards ng markang de-kalidad ang stamp, gayong madali itong magalaw dahil gawa lang ito sa ordinaryong adhesive paper na nagpalala pa sa pagpasok sa bansa ng mga puslit na produkto.
“Kailangan mas abante tayo at handa kontra sa pagnanakaw ng mga identity o pagkakakilanlan at mga financial fraud, magmula sa mahusay na pagpili ng klase ng ID card material, system installation at maintenance,” diin ni Marcos.
Dagdag pa ng senadora, polycarbonate na ang materyal na gamit sa mga driver’s license hanggang sa pasaporte sa Sweden, Finland, Switzerland at UK gayundin sa mga kapitbahay na bansa tulad ng Singapore at Malaysia.
“Ang integridad ng ating eleksyon, serbisyo ng mga bangko, healthcare insurance, contact tracing at paghahatid ng mga ayuda ng gobyerno ay ilalagay sa peligro ng isang palpak na National ID system,” babala ni Marcos, sabay diin at paalala na pangmatagalang gagamitin ang nasabing mga national ID card. (NOEL ABUEL)
59