SUPORTADO ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang gender equality subalit nilinaw na hindi siya pabor sa church o civil marriage ng same-sex couples.
Ang pahayag na ito ni Presidential spokesperson Harry Roque ay tugon sa tanong kung ano ang posisyon ng Palasyo sa pinagtatalunang sexual orientation and gender identity expression (SOGIE) bill, sa Kongreso.
Sinabi ni Sec. Roque na habang sinusuportahan ni Pangulong Duterte ang gender equality maging anoman ang sexual orientation, ay hinahayaan nito ang mga mambabatas na plantsahin ang impormasyon ukol sa panukalang batas na naglalayong protektahan ang karapatan ng mga miyembro ng LGBTQIA+.
“Malinaw na malinaw po ang paninindigan ng ating presidente. Naniniwala po siya na lahat ng Pilipino ay pantay-pantay anoman ang kanilang kasarian,” ayon kay Sec. Roque.
“Pero hahayaan na po natin sa Kongreso kung ano ang magiging pinal na bersyon ng SOGIE bill. Ang presidente naman po ay nagsabi…hindi po sang-ayon ang presidente sa same-sex marriage, be it church or civil hindi po siya sang-ayon,” dagdag na pahayag nito.
Ang huling pahayag ni Sec. Roque sa kabilang banda ay salungat sa nauna nitong naging pahayag sa usapin.
Matatandaang Disyembre 2017, sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati na pabor siya na baguhin ang batas na pumapayag sa same-sex marriage sa Pilipinas.
Subalit ang paliwanag ni Sec. Roque, ang tinutukoy ng pangulo ay same-sex civil union.
Sa ulat, binatikos ni Bataan Rep. Geraldine Roman ang mga bumabatikos sa SOGIE Equality bill at binansagan ito bilang “Anti-Family”.
Sa online hearing ng House committee on women and gender equality, sinabi ni Roman na isang anti-discrimination bill ang panukalang SOGIE at hindi ito kumakalaban at magbibigay ng mali at negatibong pakahulugan sa pamilya.
“This bill will not redefine what a family is. So to those who accuse this very positive and welcome legislative measure as being anti-family, maghunos dili kayo, basahin nyo bill instead of repeating like a mantra na para kayong mga trolls na ito ay anti-family,” paliwanag ni Roman.
Giit ni Roman, ang kauna-unahang transgender congresswoman, na ang SOGIE Equality Bill ay pro-family.
Ipinaliwanag nito na ang SOGIE Bill ay hindi sumasakop sa same-sex marriage, civil unions at gender recognition.
Ang SOGIE bill ay una nang nakapasa sa 17th Congress sa Kamara subalit hindi ito umusad sa Senado, ngayong 18th Congress ay isinalang muli ito sa deliberasyon sa 18th Congress at kanilang in-adopt ang bersyon noong 17th Congress. (CHRISTIAN DALE)
