DUTERTE YOUTH PEKENG BOSES NG KABATAAN – FARMERS

INAKUSAHAN ng isang grupo ng kababaihang magsasaka na pekeng boses ng mga kabataan ang Duterte Youth party-list kaya hiniling ng mga ito sa Commission on Elections (Comelec) na idiskwalipika ito.

Bukod dito, sinabi ni Zen Soriano, tagapagsalita ng Amihan, na maging ang ibang pekeng party-list ay dapat idiskwalipika ng Comelec subalit hindi ito nagbanggit ng partikular pang grupo bukod sa Duterte Youth.

“Ang Duterte Youth ay hindi kinatawan ng tunay na boses ng kabataan. Kinatawan sila ng pamilyang Duterte, political dynasties, burukrata kapitalista, at mga trapo. Dapat kalampagin ang Comelec na i-disqualify ang Duterte Youth at huwag paupuin sa Kongreso kasama ng iba pang mga pekeng party-list,” punto ni Soriano.

Ang nasabing party-list na konektado sa pamilyang Cardema ay muling nanalo nitong nakaraang eleksyon, kung saan inaasahan na magkakaroon ang mga ito ng tatlong upuan sa Kamara matapos makakuha ng 2,327,549 boto.

Gayunpaman, sinabi ni Soriano na pekeng party-list ang Duterte Youth dahil sa pangalan pa lamang aniya ay hindi na nito nirerepresenta ang sektor ng kabataan.

“Kwestyonable rin kung bakit sila nanalong party-list samantalang kahit nakaupo sa Kongreso ay walang naipasang batas kaugnay sa mga isyu at panawagan ng mga kabataan sa bansa,” ayon pa rito.

Sayang lamang aniya ang pondo para sa Duterte Youth dahil wala umano itong ginawa ng Kongreso kundi mang-red-tag kagaya umano ng pagsusulong ng mga ito ng anti-subversion law.

(BERNARD TAGUINOD)

60

Related posts

Leave a Comment