BINIGYANG-DIIN ni senatorial candidate Atty. Vic Rodriguez ang isinusulong na pamamahala ng Duterte senatorial slate sa kanilang pagbisita sa Karuhatan, Valenzuela.
Ayon sa dating executive secretary ng Marcos Jr. admin, mahalagang gamitin ng taumbayan ang kanilang lakas sa pagboto ng tama ngayong midterm election.
Paalala niya sa mga botante, piliin ang mga kandidatong tunay na may malasakit at paninindigan gaya ng DuterTEN Slate, na suportado ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte, at isinusulong ang isang pamahalaang malinis, matapang, at para sa tao.
Si Rodriguez, numero 56 sa balota, ay matagal nang naninindigan laban sa malawakang korupsiyon na aniya’y unti-unting kumikitil sa kinabukasan ng bayan.
Hindi na lamang aniya ito usapin ng kahihiyan sa loob ng bansa, kundi isang dungis na rin sa imahe ng Pilipinas sa mata ng buong mundo.
Binigyang-diin niya na ang Pilipinas ay isang bansang mayaman sa likas na yaman at talino, pero patuloy na lugmok dahil sa mga tiwaling pinuno.
Kabilang si Rodriguez sa mga ineendorso ni dating pangulong Duterte para sa Senado sa halalan ngayong Mayo. Sakaling palarin, isa sa mga isusulong ni Rodriguez ang parusang bitay sa mga mangungurakot ng pera ng bayan at ang pagbaba sa limang milyon ng halagang sangkot para makasuhan ng plunder.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, P50 million ang dapat manakaw ng isang corrupt na opisyal ng gobyerno para masampahan ito ng plunder case.
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
