E-CIGARS, VAPES BAWAL NA

IPINAGBABAWAL na ang paggamit sa pampublikong lugar, paggawa, pagbebenta at pag-advertise ng mga hindi rehistradong electronic cigarette o vapes at iba pang mga naglalabasang bagong uri ng tobacco products.

Ipinalabas ng Malakanyang ang Executive Order 106 na naglalayong amyendahan ang naunang Executive Order 26 na nagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Nakasaad sa EO 106 na iniulat ng Department of Health (DOH) na ang paggamit at paglanghap ng usok mula sa e-cigarettes o vapes ay nagdudulot ng kahalintulad na respiratory illness, cardiovascular diseases, addiction, cancer, neurodegeneration, brain development retardation at iba pang sakit na dulot ng paninigarilyo.

Kaya nga sa halip na “No Smoking Zone” ang ipapaskil na babala ay gagawin na itong “Non-Smoking/Vaping Buffer Zone” habang Designated Smoking/Vaping Area” (DSVA) ang mga lugar sa isang gusali na itatalagang pwedeng mag-yosi o mag-vape.

Sinasabing dapat ding iisa lamang ang “Designated Smoking/Vaping Area” sa isang gusali, sarado at hindi makalalabas ang usok sa open air.

Nakapaloob din sa EO na kung dati ay mula 18-anyos lamang ang pwedeng bumili o bentahan ng sigarilyo, itinaas na ito sa edad na 21.

Tinintahan ni  Pangulong Rodrigo Roa  Duterte ang EO 106 nitong Pebrero 26 at epektibo sa loob ng 15 araw makalipas ang publikasyon sa pahayagang may national circulation.

Sa kabilang dako, inaatasan ng EO 106 ang Food and Drugs Administration (FDA) na bumuo ng implementing rules and regulations (IRR) sa loob ng 30 araw matapos maging epektibo ang EO. CHRISTIAN DALE

411

Related posts

Leave a Comment