NELSON S. BADILLA
POSIBLE pang tumaas ang presyo ng mga bilihin ngayong linggo kapag natuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Inaasahan ng isa sa mga kumpanya ng langis na tataas ng P1.00 hanggang P1.10 ang presyo ng diesel kada litro, samantalang ang gaas naman ay maaaring pumalo sa 75 sentimo hanggang 85 bawat litro ang idaragdag.
Kapag nangyari ito ay puwedeng maudlot ang inaasahang pagbaba ng presyo ng karne ng baboy at manok dahil sa Executive Order 124 (EO 124) na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2.
National Capital Region (NCR) lamang ang sakop ng EO 124 na tatagal ng dalawang buwan.
Ngayong Lunes, Pebrero 8 ang simula ng pagpapatupad ng EO 124 batay sa utos ni Agriculture Secretary William Dar.
Ang umento sa produktong diesel at gaas ay resulta ng pagtaas ng presyo ng krudong Brent na pumalo sa $60 kada bariles.
Nakagawian na sa Pilipinas na tumataas ang presyo ng mga produktong petrolyo tuwing nadadagdagan din ang presyo ng krudo bawat bariles sa pandaigdigang merkado.
Kasunod nito ay pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kabilang ang karne ng baboy, manok, gulay at isda, bilang direktang dagok ng pagsirit pataas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa mga batayang produktong palagiang gamit ng bawat pamilya.
Dahil dito, inaasahang lalong ninipis ang kapasidad ng minimum na sahod ng mga manggagawa na makabili ng mga produktong kailangan nila sa kani-kanilang bahay.
204
