RIZAL – Suportado ni Cainta Mayor Kit Nieto ang kampanya ng Land Transportation Office (LTO) na ipagbawal ang pagdaan ng mga e-trike, e-bike at ilan pang light electric vehicles (LEV) sa pangunahing mga lansangan na sakop ng nasabing bayan.
Kasabay nito, sinabi ng alkalde na magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng mahigpit na monitoring upang masukat ang epekto ng implementasyon. Ang resulta nito ay gagawan ng balanseng ulat na isusumite bilang batayan ng mga isyu at rekomendasyon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at LTO.
Sa isang press conference kasama ang mga miyembro ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps, iginiit ni Nieto na mahalagang sundin ang naturang polisiya dahil ito ay direktiba ng pambansang pamahalaan.
Isa rin sa tinalakay ang apela ng ilang sektor para sa exemption o espesyal na permit, kahit hindi pa ganap na naipatutupad ang kautusan.
“Hindi natin dapat kontrahin ang mga polisiya mula sa taas dahil isa ito sa paraan para magkaisa tayo. Kailangan nating sumunod dahil iisa ang ating layunin,” ani Nieto.
Dagdag pa ng alkalde, hindi dapat palalimin o gawing komplikado ang usapin.
“Asul, dilaw o pula man ang kulay ng ating bandila, hindi natin dapat gawing kumplikado ang isyung ito. Lahat tayo, ang gusto ay pagkakaisa,” saad niya.
Giit pa ni Nieto, dapat bigyan ng sapat na panahon ang kampanya ng LTO na umusad bago husgahan, dahil dumaan aniya ito sa masusing pagtalakay ng mga kinauukulan bago ipatupad.
“Kung sinabi ng LTO na ganito ang gagawin, eh ‘di ganito. Sila ang may mandato ng batas. Sundin nating lahat. ‘Yan ang pinakamaayos na paraan ng pamamahala,” pagtatapos ng alkalde.
(NEP CASTILLO)
104
