FLIGHT BAN MALAPIT SA BULKANG MAYON PINALAWIG NG CAAP

PINALAWIG pa ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kahapon ang pagbabawal sa paglipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa Bulkang Mayon dahil sa patuloy nitong volcanic activity.

Sa inilabas na Notice to Airmen (NOTAM), pansamantalang ipinagbawal ng CAAP ang lahat ng flight operations malapit sa Mayon mula 11,000 feet above ground level hanggang alas-9:00 ng umaga ngayong Lunes, Enero 5.

“Flight operators are advised to avoid flying close to Mayon Volcano, which remains under Alert Level 2,” ayon sa NOTAM.

Binigyang-diin din ng CAAP na delikado ang paglipad sa paligid ng bulkan dahil sa banta ng volcanic ash na maaaring magmula sa biglaang phreatic eruptions, na seryosong panganib sa kaligtasan ng mga eroplano.

Ang pagpapalawig ng flight ban ay kaugnay ng naunang NOTAM na inilabas noong Disyembre 10, matapos maobserbahan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang lava flow activity ng bulkan, na noon ay nasa Alert Level 1 pa lamang.

Noong Enero 2, itinaas ng Phivolcs sa Alert Level 2 ang Mayon matapos umigting ang aktibidad nito na maaaring mauwi sa pagsabog.

Gayunman, nilinaw ng Phivolcs na wala pa ring malinaw na senyales ng nalalapit na pagsabog ng bulkan sa kabila ng pagtaas ng alert level.

(JESSE RUIZ)

67

Related posts

Leave a Comment