Ni VT ROMANO
TINAMBAKAN ng Hawks ang Milwaukee Bucks kahit wala ang superstar nitong si Trae Young, 110-88 tungo sa tablahang Eastern Conference finals series (2-2), Miyerkoles (Manila time) sa Atlanta.
At sa isa pang hindi inaasahang pangyayari sa serye, nilisan ni two-time MVP Giannis Antetokounmpo ng Bucks ang laro matapos magtamo ng left knee injury.
Si Lou Williams ang naging relyebo ni Young at nagsumite ng 21 points, habang si Bogdan Bogdanovic naman na matagal-tagal na ring hindi nararamdaman sa serye ay nagdagdag ng 20 points, para makalayo ang Hawks sa third quarter.
Sa Biyernes (Manila time) ang Game 5 sa Milwaukee.
Forty-five minutes bago ang laro, idineklarang out si Young, sanhi ng bone bruise sa right ankle matapos matapakan ang paa ng referee sa Game Three. Nanood na lamang siya mula sa bench nang walang nakapapansin dahil sa black warm-up suit na may hood at mask.
Pero kahit wala si Young sa loob ng court, hindi naman naging problema sa kanyang mga kasama.
Matapos ang nakakadismayang first half ni Antetokounmpo, na may six points lang at pares ng airballs sa free-throw line, bumawi ito sa third quarter.
Umiskor ng walong puntos sa unang apat at kalahating minuto at binawasan ang lamang ng Atlanta, 62-54.
Isang pick-and-roll move mula kay Williams para kay Clint Capela na idinakdak ang bola at sinabayan ni Antetokounmpo. Masama ang bagsak ng Bucks star, kung saan hawak nito ang kaliwang tuhod.
Sumugod kay Antetokounmpo ang buong Milwaukee bench at tinulungan ang player papunta sa locker room,na na-diagnose na may ‘hyperextended knee.’
Nakabalik pa siya sa bench pero hindi na lumaro at muling bumalik sa locker room hanggang matapos ang laro.
Na-outscore ng Atlanta ang Milwaukee (25-6) tungo sa 87-62 lead.
Lamang din ang Hawks sa halftime, 51-38 na pinakamababang scoring half ng Bucks sa postseason.
May 14 of 41 shots sa field ang Milwaukee, kasama ang 5 of 23 sa arc at may nine turnovers.
Dalawang gabi makaraang tablahan ang kanyang career playoff high na 38 points sa Game 3 victory, si Khris Middleton ay nag-ambag lang ng 16 points mula sa 6 of 17 shooting at mintis din lahat ang kanyang pitong 3-point attempts para sa Bucks.
