MALABONG maaprubahan ang isinusulong na economic Charter change sa Senado.
Ito ang paniniwala nina Senador Cynthia Villar at Senate Minority Leader Aquilino Koko PImentel III sa gitna ng patuloy na pagtalakay ng Senado sa Resolution of Both Houses No 6.
Sinabi ni Villar na ngayon pa lamang ay buo na ang kanyang pasya na boboto siya laban sa RBH 6 dahil hindi naman ito ang tunay na kagustuhan ng mga dayuhang mamumuhunan.
“Oo decided na ako alam ko na boto ko,” pahayag ni Villar sa panayam ng DWIZ.
Kinatigan din ni Villar ang pahayag ni Senador Risa Hontiveros na mas madaling makakuha ng pitong boto laban sa RBH 6 kaysa 3/4 votes pabor sa panukala.
“Kasi sinasabi nila eco Cha-cha pero pagbukas ng constitution wala nang makakapigil kung ano gusto nilang palitan doon. Kaya mahirap yan, di naman siguro maganda sa isang senador na pabayaan nya iremove ang Senate. That is disloyalty to the Senate,” dagdag ng senador.
Mas makabubuti anyang manawagan na lamang sa Korte Suprema na desisyunan na ang mga petisyon laban sa Public Services Act dahil ito ang mas makakatulong para sa foreign investments.
Muli namang binigyang-diin ni Pimentel na kailangan ng malinaw na mga patakaran sa Senado para sa pag-adopt ng resolusyon sa pagbabago ng konstitusyon.
Sa tantiya rin ng senador, posibleng umabot pa sa walo ang mga miyembro ng Senado na tututol sa RBH 6.
“At any rate sa RBH 6 nasa parehong side kami ni Sen. Cynthia (Villar) at ni Sen. Risa (Hontiveros) so siguro tatlo na kami. Siguro si (Sen.) Mark (Villar) susunod naman kay Sen. Cynthia so apat na po yun kalahati na ng walo un,” diin ni Pimentel.
Lalong lulubog sa hirap
Naniniwala naman si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na lalong lulubog sa kahirapan ang sambayanang Pilipino kapag nagtagumpay ang economic Charter change at buksan nang buo sa mga dayuhang negosyante ang mga serbisyo publiko.
“Filipino families are struggling to cope with the ever-rising expenses, which are projected to intensify if the government proceeds with Charter change and opens the economy to 100% foreign ownership,” ani Brosas.
Sinabi ng mambabatas na kung ngayon na liberalisasyon pa lamang ang ginawa sa public utilities tulad ng tubig at kuryente ay halos hindi na kaya ng consumers ang presyo, mas malaking problema aniya kung buo na itong ipauubaya sa mga dayuhang negosyante.
Wala rin umanong napala ang mga Pilipino sa foreign direct investments (FDIs) dahil imbes gumaan ang buhay ay lalong nalugmok ang tao sa kahirapan dahil pamahal nang pamahal ang mga bilihin.
“Mahaba ang naging karanasan ng bansa sa Foreign Direct Investments at puro matatamis ngunit napapakong pangako ang mga sinabing gagawin nito. Mahal pa rin ang bilihin, serbisyo, at utilities gaya ng kuryente at tubig. Dumapa pa nga, kung di man nawala nang tuluyan, ang mga lokal na industriya,” dagdag pa ni Brosas.
Dahil dito, dapat aniyang tutulan ng sambayanang Pilipino ang eco Cha-cha.
Dismayado rin si Brosas na sa halip tugunan muna ng gobyerno ang problema ng taumbayan tulad ng pagtaas na presyo ng kuryente at mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain ay inuuna pa ang Cha-cha.
(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)
