TARGET ng Senado na aprubahan ang mga panukala na may kinalaman sa pagbuhay sa ekonomiya sa kanilang tatlong linggong sesyon Mayo hanggang Hunyo.
Ayon kay Senate Majority Leader Migz Zubiri, napagkasunduan ng mga senador sa kanilang halos isang oras na caucus ang ilang panukala kabilang na ang pag-amyenda sa Public Service Act, Foreign Investment Act, at iba pa.
Napagkasunduan din ng mga senador sa caucus ang pagkakaroon ng session tuwing Huwebes upang maging 12 ang araw ng kanilang sesyon bago mag-adjourn sa Hunyo.
Una nang sinertipikahang urgent bill ang pag-amyenda sa Public Service Act, Foreign Investments Act, at Retail Trade Liberalization Act na magdaragdag ng pondo para sa recovery ng ekonomiya.
Bukod dito, tatalakayin din ang Government Financial Institution Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economy Recovery (GUIDE) bill, na nagsusulong ng rediscount loans at iba pang credit accommodations sa micro, small and medium enterprises (MSMEs), gayundin ang panukala para sa pagpapalawig ng amnesty sa estate taxes.
Kasama naman sa prayoridad ng Senado ang postponement ng eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa 2025.
Susubukan anya ng mga senador ang lahat ng kanilang makakaya upang maaprubahan ang mga panukala na isinusulong ng Department of Finance.
Samantala, umaasa rin si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na masimulan ang deliberasyon sa panukalang Bayanihan 3.
Nakapaloob sa panukala ang pagbibigay ng ayuda sa mga apektado ng COVID-19. (DANG SAMSON-GARCIA)
136 