Economic team kumpiyansang tatatag ang ekonomiya IBA’T IBANG HAMON MALALAMPASAN NG MARCOS ADMIN

(CHRISTIAN DALE)

MAHAHARAP ang incoming administration sa “multiple challenges” kapag nagsimula nang gampanan nito ang tungkulin sa Hunyo 30.

Subalit, ang malakas na fundamentals at malinaw na macroeconomic prospects ang nakapagbigay ng lugar para sa pag-asa,” ayon sa briefer na natipon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula sa itinalaga nitong economic team.

“We have all heard encouraging statements from the incoming economic managers led by outgoing Bangko Sentral governor and incoming finance chief, Benjamin Diokno, that our new administration will be taking off from sound economic fundamentals,” ayon kay Marcos.

“It will not be an easy road ahead, but we are not without the necessary wherewithal and elbow room to manage the challenges,” dagdag na pahayag nito.

Kabilang sa mga hamon na haharapin ng gobyernong Marcos ay ang COVID-19 exit strategy, pagsirit ng presyo ng langis, bumibilis na inflation rate, epekto ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, at ang nagbabadyang worldwide food crisis.

Habang pinigil ng COVID-19 ang momentum ng Pilipinas mula sa pre-pandemic annual growth ng 6%, “now we have bounced back and returned to our robust growth path,” ayon kay Diokno sa kanyang talumpati, noong Hunyo 13.

“The International Monetary Fund shares the view about the Philippines’ favorable economic prospects vis-à-vis its peers. In its latest World Economic Outlook report, the IMF projects the Philippines to post the fastest growth in the region this year at 6.5 percent,” anito.

Paliwanag ni Diokno, mula Enero hanggang Marso 2022, lumago ng 8.3-percent ang ekonomiya — mas malaki kaysa Malaysia, Indonesia, Vietnam, Singapore, at Thailand.

Kasama sa mga sektor na lumago ang agrikultura, forestry, at pangingisda na nagtala ng 0.2-percent expansion; industriya, na lumago ng 10.4-percent; at services, na lumago ng 8.6-percent.

Sa katapusan ng Abril 2022, umabot sa 106.8 billion US dollars ang gross international reserves — kabilang ang US dollar value holdings, foreign remittances, at ginto — na may katumbas na 9.4 buwang imports, samantalang tatlong buwan lang ang minimum standard na kailangang panatilihin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Halos dalawang milyong trabaho naman ang nilikha noong Pebrero at Marso ng kasalukuyang taon na nakatulong para mapababa ang unemployment rate na pumalo sa 17.6-percent noong Abril 2020, na pinakamataas sa kasaysayan.

At kahit nakaranas ng dagok ng pandemya, agresibong muli ang manufacturing sector; pumalo sa pinakamataas sa higit apat na taon ang S&P Global Philippines Manufacturing Purchasing Managers’ Index, na nasa 54.1-percent noong Mayo.

Tumaas din ang consumer at business confidence: inaasahang papalo sa 30.4-percent sa susunod na labing dalawang buwan ang consumer sentiment o kumpyansa at paggastos ng mga mamimili; inaasahan namang papalo sa 69.8-percent ang business confidence index sa kaparehong panahon.

Sa kabila ng lumobong paggastos ng gobyerno bilang bahagi ng pagtugon sa pandemya na humantong sa mas mataas na debt-to-GDP ratio, kumpyansa si Diokno na bababa ang utang sa 60.4-percent sa taong 2024 — dalawang taon sa panunungkulan ng Marcos administration.

Sa katapusan ng Marso 2022, 63.5-percent ng GDP ang pambansang utang, pero malayo naman ito anya sa ibang bansa na 100-percent o 200-percent ang porsyento ng utang sa GDP.

Bayad na rin ang ipinahiram na cash advances ng BSP sa national government sa kasagsagan ng pandemya noong 2020-2021, na umabot sa 10.3 billion US dollars. Nabayaran ito bago pa man napaso ang June 11, 2022 maturity schedule.

Sumipa naman ng 1.71 billion US dollars o walong porsyento ang foreign direct investments nitong Enero-Pebrero 2022, matapos ang makasaysayang 10.5 billion US dollars foreign direct investments noong 2021.

Ayon kay Diokno, patuloy na ma-e-engganyo ang foreign investors na mamuhunan sa Pilipinas matapos ang pagsasabatas ng kasalukuyang administrasyon sa Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Act, and Public Services Act.

Bukod dito, dagdag ni Diokno, bahagi ng mga repormang ipapasa ng Duterte administration sa Marcos administration ang mas magandang tax system dahil nagpatupad ng reporma sa personal income tax at corporate income tax; tatlong beses nagtaas ng buwis sa sigarilyo; nagtaas ng buwis sa langis; at sa unang pagkakataon, napatawan ng buwis ang matatamis na mga produkto.

Makatutulong din anya sa development agenda at mga programa ni President-elect Marcos ang sinimulang “Build Build Build” infrastructure program ng kasalukuyang administrasyon.

Mula 2016 hanggang 2021, pumalo sa 5-percent ng GDP ang ginastos para sa imprastraktura, mas malaki kaysa 1.5-percent mula 2001 hanggang 2009, at 2.5-percent mula 2010 hanggang 2015.

Walumpu’t walong malalaking proyekto naman ang ipapasa ng kasalukuyang administrasyon sa Marcos administration.

Matatandaang noong panahon ng kampanya, pinuri ni Marcos ang pagpapahalagang binigay ng liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte sa infrastructure development.

Nangako si Marcos na ipagpapatuloy ito sa kanyang “Build Better More” infrastructure plan, kung saan kasama na ang digital infrastructure.

Naniniwala si President-elect Marcos na kailangang magtuloy-tuloy ang pag-arangkada ng infrastructure program ng Duterte administration, at dapat pa umano itong palakasin sa pamamagitan ng mga makabagong paraan para lalo pang gumanda ang infrastructure development at makapagdagdag ng trabaho.

Sa tala ng Department of Public Works and Highways (DPWH), umabot sa 6.5-milyong trabaho simula 2016 ang nilikha ng “Build Build Build” program.

Paniwala ni Diokno, mahalaga ang continuity o pagpapatuloy ng incoming Marcos administration sa mga programa ng outgoing Duterte administration para mapanatili at mas mapalakas pa ang pagsulong ng ekonomiya at maramdaman ng mga Pilipino ang pag-unlad.

Nauna nang sinabi ni Diokno na balak ng Marcos administration na maibaba sa single digit na lang ang poverty incidence o bilang ng mahihirap sa pagtatapos ng termino ni President-elect Marcos.

199

Related posts

Leave a Comment