PUNA Ni JOEL AMONGO
NANINIWALA si Presidential Adviser for Entrepreneurship at GO NEGOSYO Founder Joey Concepcion sa kakayahan ng mga napiling bubuo ng economic team ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa unti-unting pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Sa okasyon ng NEGOSYO 3M Mentorship, Money, Market On Wheels na ginanap sa SM North EDSA, Quezon City noong Sabado, Hunyo 25, 2022, sinabi ni Concepcion na may tiwala siya sa napili ni PBBM para sa kanyang economic team.
Sila ay sina dating Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno bilang bagong Finance secretary; Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Monetary Board member Felipe Medalla, bagong hepe ng BSP; dating Budget Undersecretary Amenah Pangandaman, bagong Budget secretary; Arsenio Balisacan, bagong secretary ng National Economic and Development Authority (NEDA), at dating University of the Philippines (UP) president Alfredo Pascual, bagong secretary ng Department of Trade and Industry (DTI).
Malalawak ang karanasan nila pagdating sa kani-kanilang larangan ng trabaho na kanilang pinanggalingan, kaya hindi matatawaran ang kanilang kakayahan.
Ayon pa kay Concepcion, nag-usap na rin sila ni PBBM at susuportahan nito ang Micro and Small Enterprises (MSEs).
Ang MSEs kasi ang pangunahing naapektuhan nitong nakaraang dalawang taon na pananalasa ng COVID-19 at kasalukuyang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia na naging dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi pa niya na kinakailangan suportahan ng gobyerno ang MSEs para muling sumigla ang ekonomiya ng bansa.
Mas marami kasi ang MSEs kung ikukumpara sa malalaking negosyo sa bansa.
Hinikayat naman ni Concepcion ang mga Pilipino na magpa-booster sila para matiyak ang kaligtasan nila at tuluyan nang mawala ang COVID-19.
“Wag sayangin ang mga bakuna dahil nakaimbak lamang ito sa mga pasilidad,” dagdag pa niya.
Bagamat unti-unti nang humuhupa ang COVID-19 sa bansa ay kailangan pa rin panatilihin ang pagsusuot ng face mask ng mga Pilipino upang hindi na ito muling lumala pa.
Ayaw niya na muling maulit ang mga lockdown na ipinatutupad ng gobyerno at paglalagay ng alert level dahil ito ang dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya.
Inihayag pa ng negosyante na maganda na ang sitwasyon sa mga ospital dahil karamihan sa mga pasyente ay gumagaling na mismo sa kani-kanilang mga bahay.
Ibig sabihin, unti-unti nang kumukunti ang dinadalang mga pasyente kaya lumuluwag na ang mga ospital.
Nagpapatunay lamang na hudyat na ito na pawala na ang COVID-19 sa bansa.
Sana nga magtuloy-tuloy nang malusaw ang COVID-19 para makahinga na tayo sa kahirapan.
Nangako si Concepcion na patuloy nilang susuportahan ang MSEs hanggang manumbalik sa normal ang pagnenegosyo sa Pilipinas.
Katunayan, ang ginanap na pagtitipon sa SM North EDSA, Quezon City ng GO NEGOSYO ay dinaluhan ng libu-libong mga Pilipino na nasa hanay ng MSEs.
Nagpapakita lamang ito na nagsisimula na namang bumangon ang mga Pilipino para muling pasiglahin ang ekonomiya ng Pilipinas.
Doon naman po sa publiko at mga politiko, kung gusto nating umunlad ang bansa, suportahan natin ang panawagan ni PBBM na pagkakaisa.
Mabuhay ang GO NEGOSYO! Mabuhay ang mga Pilipino! Sama-Sama Tayong Babangon Muli!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-7511840.
186 