TRENDING ngayon at pinuputakte ng netizens ang YouTube video ng birthday party ni Sto. Tomas, Pangasinan Mayor Timoteo “Dick” Villar III noong May 6, 2020.
Na-PUNA ng netizens na hindi nasunod ang physical distancing sa pagtitipon sa bandang madaling araw ng nasabing petsa.
Kitang-kita sa YouTube na kinamayan ni Mayor Villar, noon ay walang suot na face mask, ang kanyang mga panauhin.
Malinaw na hindi nasunod ang physical distancing dahil sa kanyang pagkamay sa mga bisita na wala ring espasyo sa kanilang mga pagitan.
Ayon sa nakuhang impormasyon ng PUNA, ang nag-up load sa YouTube ng okasyon ay ang anak ni Mayor Villar na si Dickerson na konsehal din ng bayan ng Sto. Tomas?
Dinelete na raw ang YouTube upload ng konsehal, ang problema ay huli na ang kanilang aksyon dahil nag-viral o kumalat na ito kaya pinutakte ng netizens hanggang sa dumami ang ibat-ibang PUNA, puro negatibo.
Bakit? Kasi nga mahigpit ang pamahalaan sa mga ordinaryong Pinoy na lumalabag sa quarantine protocol (social distancing) pero sa mga opisyales ng gobyerno ay maluwag sa sarili nila o sila mismo ang lumalabag kaya naman nagsasabi tuloy ng mga ordinaryong tao na hindi pantay ang pagpapatupad ng batas.
Aba, ang tinutukoy ng negatibong komento ng mamamayan ay sina National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Debold Sinas, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) deputy administrator Mocha Uson at Sto. Tomas, Pangasinan Mayor Timoteo Villar.
Si Uson ay dumalo sa pagtitipon ng OFWs sa Lian, Batangas kamakailan na lumabas din sa social media ang mga litrato.
Si Gen. Sinas ay nagdiwang ng kanyang birthday nitong nakaraang Mayo 8, 2020 kung saan may party sa Camp Bagong Diwa sa Taguig at ebidensya ang mga post sa social media hindi nasunod ang physical distancing sa kabila ng pagsisikap ng gobyerno na hindi kumalat ang COVID-19.
Wala tayong nakuhang reaksyon ni Uson sa kanyang pagdalo sa pagtitipon, pero itong si Gen. Sinas ay sinabing edited daw ang mga litrato.
Sabi tuloy ng netizens hindi nagsasabi ng totoo ang heneral. Bakit kamo? Kasi nga naman ang suot ni Gen. Sinas ay pareho sa sinasabi niyang litratong edited.
Ay naku! Kahit anong pagtanggi mo Gen. Sinas ay hindi maniniwala ang taumbayan.
Si Mayor Villar man ay nagsisinungaling nang sabihin niya na walang naganap na birthday party at sa halip ay dinalaw lang siya ng kanyang mga tao.
Linawin lang natin sa mga opisyales na ito ng pamahalaan. Paglabag sa quarantine protocol ang pinag-uusapan at hindi ang birthday party o meeting.
Wala namang exempted sa pagtupad sa social distancing, lahat kasama pati na ang pangulo.
At dahil may ebidensya na kayo at lumabag kaya’t nakakatikim kayo ng PUNA mula sa netizens.
Unfair naman kasi na sa ordinaryong tao na lumabag sa quarantine protocol ay pinaparusahan ng gobyerno, tapos kayong mga nakapuwesto ay hindi kayo susunod?
Dapat kayong mga nasa gobyerno ang nagpapakita ng tamang gawain o modelo ng taumbayan.
Paano kayo ngayon magbabawal o magpapatupad ng quarantine protocol kung kayo mismo ay hindi sumusunod?
Di ba nakakahiya?
Matindi ang pagsisikap ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumagal ang pagkalat ng COVID-19 sa mga Pinoy kayo naman ay tila kabaligtaran.
Hindi masamang humingi ng tawad o umamin na kayo’y nagkamali kasi wala namang taong perpekto.
Si Pangulong Duterte nga ay nag-apologize sa kanyang nasaktan sa pananalita na sina Manny Pangilinan at mga Ayalas.
“Wag nyong ipaggiitan na wala kayong ginawang paglabag sa quarantine protocol kasi lalo lang kayo malulubog sa kahihiyan. Walang personalan, PUNA lang po.”
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
159
