EDUCATIONAL AID WALA NANG EXTENSION

HINDI na palalawigin ang pamamahagi ng educational assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ay matapos matagumpay na maipamahagi ang P1.7 bilyong halaga ng educational aid sa 713,916 benepisyaryo.

“Yung ating educational assistance, una nakakatuwa po dahil kahit papaano po ay talagang naging successful po ‘yung anim na Sabado na pamamahagi natin ng ating educational assistance,” ayon kay DSWD spokesperson Rommel Lopez.

“Ang atin pong napamahagi na ay P1.7 billion na po. ‘Yung atin pong naabot ng ating programang ito ng ating educational assistance ay umabot na po sa 713,916 students o beneficiaries,” dagdag ni Lopez.

Ang katuwiran ni Lopez, naubos na ng DSWD ang lahat ng inilaang pondo at gumamit na rin ito ng karagdagang budget kaya malabong magkaroon pa ng extension sa nasabing ayuda.

Sa katunayan nga aniya ay una nang naglaan ang DSWD ng P1.5 bilyon para sa educational assistance program.

Ngunit, sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na mangangailangan pa sila ng karagdagang P200 milyon hanggang P300 milyon para muling buksan ang educational assistance program sa indigent students.

Ayon sa Kalihim, hindi sapat ang P1.5-billion budget lalo pa’t umabot sa 2 milyon ang bilang ng mga estudyante na nagparehistro para makasama sa programa.

Unang tinarget ng DSWD na makapagbigay ng tulong sa 400,000 estudyante lamang sa buong bansa.

Sa ilalim ng programa, hanggang tatlong estudyante kada indigent family ang makatatanggap ng P1,000 para sa elementary students; P2,000 para sa high school students; P3,000 para sa senior high school students, at P4,000 para sa college students o vocational courses. (CHRISTIAN DALE)

157

Related posts

Leave a Comment