LIMANG araw matapos ang unos, umabot na sa 11 katao ang kumpirmadong nasawi sa bagsik ng Bagyong Karding, habang anim na iba pa ang nawawala, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa datos ng naturang ahensya, kabilang sa mga nasawi ang limang rescuers na namatay habang pilit na sinusuong ang matinding sama ng panahon sa bayan ng San Miguel sa lalawigan ng Bulacan.
Pasok din sa talaan ng NDRRMC ang isang indibidwal mula sa Baliuag (Bulacan), dalawa mula sa lalawigan ng Zambales, isa sa bayan ng Burdeos (Quezon), at dalawa naman mula sa Rizal.
Limang mangingisda mula sa Camarines Norte at isa mula sa lungsod ng Antipolo (Rial), ang di pa rin matagpuan.
Sa ulat ng NDRRMC, umabot a 640,963 people (katumbas ng 176,337 pamilya) mula sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol at Cordillera ang apektado sa bagsik ng bagyong Karding.
Nasa 25,177 katao (katumbas ng 6,435 pamilya) ang dinala sa 391 evacuation centers, habang 15,286 pang iba (katumbas ng 3,482 pamilya) ang piniling sumilong sa mga kaanak sa labas ng mga itinalagang evacuation centers.
Pumalo naman sa 20,628 kabahayan ang nagtamo ng malaking pinsala sa kanilang mga bahay habang bahagya lang ang pagkasira 18,110 tahanan sa mga apektadong lalawigan.
Nasa 35 lokalidad ang nagdeklara ng State of Calamity kabilang ang Nueva Ecija, Dingalan (Aurora), Macabebe (Pampanga) at San Miguel (Bulacan).
Sa pagtataya naman ng Department of Agriculture (DA), pumalo sa P152,209,851 ang halaga ng pinsala sa mga taniman sa Ilocos, Calabarzon, Bicol at Cordillera, habang nasa P23,447,400 naman ang perwisyo sa mga imprastraktura sa Ilocos, Mimaropa, Bicol at Cordillera.
Pansamantalang tumigil ang operasyon ng ilang daungan at paliparan bunsod ng bagsik ng bagyong Karding. Nasa 116 lokalidad naman ang dumanas ng pagkawala ng supply kuryente. (JESSE KABEL)
