SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA
HULYO 28, ngayon taon, makalipas handugan ang Pilipinas ng kauna-unahang bronze medal sa World Athletics Championships, idineklara ng pandaigdigang pederasyon si pole vaulter Ernest John Obiena bilang pangatlong pinakamagaling sa mundo. Nauna lang sa kanya sina gold medalist at world record holder Mondo Duplantis ng Sweden at silver medalist Christian Nilsen ng USA.
Batay sa pamantayang ipinatutupad ng pederasyon sa pagra-ranggo ng pinakamagagaling na atleta sa daigdig sa track and field, ang 26-anyos na Pilipinong Olympian ay nakaipon ng 1,408 points, lamang lang ng bahagya si Nilsen, 1,435. Nangunguna si Duplantis sa 1,612 puntos.
Naging mas matamis ang bronze na nahukay ni EJ sa World’s sa dahilang ito ang kauna-unahang medalyang natamo ng Pilipinas mula nang itatag ito noong 1983. Bukod dito, ang taas na 5.94 metrong natalon ni EJ ay sumira sa dati niyang Philippine at Asian record na 5.93m.
At walang planong tumigil ang Pinoy pole vaulter, na sunod na sasabak naman sa Hungarian Athletics Grand Prix sa Agosto 8 (Martes, Agosto 9 sa Maynila). Malamang na hindi rin nila palampasin ng Ukrainian coach na si Vitaly Petrov ang 32nd SEA Games sa Cambodia at XIX Asian Games sa China, bago ang tinatarget na XXXIII Olympics sa 2024 Paris.
Sa Paris ipagdiriwang ng Pilipinas ang ika-100 taong anibersaryo ng pagsali sa Olimpiyada at doon din pangarap ni EJ na handugan ang bansa ng kauna-unahang gintong medalya sa pole vault.
Mula nang pawiin ni Obiena ang 124 taong pagkauhaw ng bansa sa gintong medalya sa Asian Athletics Championships noong 2019, nalibot na niya ang buong Europa upang mangolekta ng humigit-kumulang kalahating dosenang gintong medalya. Hindi pa kasama rito ang kambal na tagumpay niya sa 2019 sa Maynila at 2022 SEA Games sa Hanoi.
Maliban sa galing niya bilang atleta, may isa pang kapuri-puring karakter si EJ na naging dahilan upang mahalin siya kapwa ng kanyang mga nakalaban at tagahanga. Ito ang pagkakaroon niya ng ginintuang puso na kanyang ipinamalas nang ipangako niyang ibibigay ang makukuhang cash incentive na P250,000 mula sa Philippine Sports Commission sa ilalim ng National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2001, sa may sakit na na si dating Asia’s Sprint Queen Lydia de Vega.
“I have just learned of the plans of PSC to reward me with 250,000 pesos incentive for breaking the Asian Record. This is deeply appreciated, and certainly needed since my funding is still yet to be sorted, despite the mediation agreement,” paliwanag ni Obiena. “However, on the flight back to Italy, it occurred to me that despite my own training needs, Mam Lydia needs this money more than I do. So, I am hereby pledging to give these 250,000 pesos once paid, directly to the family of Lydia de Vega for her medical expenses.”
Dagdag pa ni EJ, utang niya kay Diay at sa mga katulad niyang alamat ng Philippine sports ang kanyang tagumpay na natatanggap niya ngayon. “I am also here today because I am standing on the shoulders of giants. The legends of Philippines Athletics who paved a way for me. Who brought attention and success to athletics. I owe them a debt of gratitude. I thank them for the route they have forged for us competing today.”
Hindi naman nagpahuli ang taga-payo niyang si Jim Lafferty at kabiyak nitong si Carol na nangakong papantayan nila ang nasabing halaga para sa kabuuang P500,000 donasyon kay Diay.
249 