NAGKAKAISA ang ilang legal luminaries na hindi kailangan ng pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas upang makaakit ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.
Sa ikalawang pagdinig ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments, nagbabala si Constitutional Commissioner Rene Sarmiento na ang pagbubukas sa pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas ay magiging signal din ng pagbubukas ng iba pang probisyon katulad ng political, judicial at human rights.
Sa panig ni Constitutional Commissioner Dr. Bernardo Villegas, hindi pa panahon para amyendahan ang konstitusyon lalo pa’t sa pag-iikot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nakakaakit na ito ng mga dayuhang mamumuhunan.
Sa pagkwenta ni Villegas, upang lumago ang ekonomiya, kailangang may $15 hanggang $20 billion ang pumasok na foreign direct investment kada taon na kung tutuusin ay nakamit naman ng bansa dahil sa mga nakalipas na byahe ng Pangulo ay nasa $14 billion na FDI na nagkatotoo.
Idinagdag pa ni Villegas na ang pagbubukas sa foreign investment ng media at advertising at education ay hindi naman magkakaroon ng malaking impact sa ekonomiya.
Suportado naman ni dating Chief Justice Antonio Carpio ang pahayag ng ilang senador na hindi na kailangan ng pagbabago sa konstitusyon dahil liberalized na ang Pilipinas para sa foreign investment sa pamamagitan ng ilang mga batas.
Tinawag din niyang false reason ang mababang foreign direct investments, mataas na unemployment rate at mabagal na economic growth para sa pagbabago sa konstitusyon.
Sinabi ni Carpio na bukod sa mga nabanggit na ng ilang senador, matagal nang binuksan ng ilang batas sa foreign investment ang ilang industriya tulad ng banking industry, renewable energy at power generation.
Samantala, para kay Senador Grace Poe, bukas na ang ekonomiya para sa foreign investors.
Binigyang-diin ito ni Poe sa pagpapatuloy ng pagdinig sa economic Cha-cha bill.
Sa panig ni Senador Risa Hontiveros, nagbabala ito na sa pag-amyenda sa konstitusyon, maging ang critical utilities ay posibleng magsilbing give away sa foreign companies.
Magdudulot din anya ito ng national security risks sa ating bansa dahil makokontrol na ng dayuhan ang ating public utilities.
(DANG SAMSON-GARCIA)
189