PATAY ang isang election officer at ang kanyang mister makaraang pagbabarilin ng riding in tandem, Miyerkoles ng umaga sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao Del Norte.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nakilala ang mga biktima na sina Atty. Maceda Abo, election officer ng Datu Odin Sinsuat at mister nito na si Jojo Abo.
Lumitaw sa paunang imbestigasyon, sakay ang mga biktima sa Toyota Fortuner na minamaneho ng mister galing sa kanilang bahay para ihatid si Atty. Abo sa kanyang opisina sa Dalican, Datu Odin Sinsuat.
Dakong alas-08:20 ng umaga habang tinatahak ng mag-asawa ang kahabaan ng Cotabato-Shariff Aguak Road ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao Del Norte ngunit pagsapit sa Barangay Makir ay bigla na lamang silang pinagbabaril ng mga salarin.
Sa isang pahayag ni Provincial Election Officer, Atty. Mohammad Nabil Mutia, nakipagtulungan na sila sa mga otoridad subalit tumanggi itong magbigay ng iba pang sensitibong impormasyon.
Isasailalim Sa Comelec Control
Kaugnay nito, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, irerekomenda niya sa Comelec en banc na ipasailalim sa Comelec control ang nasabing bayan dahil sa usapin ng seguridad.
Giit ni Garcia, hindi na sila papayag na masundan pa ang nasabing karahasan.
Sa ngayon aniya ay wala pang nakikitang motibo sa pagpaslang at ang usapin ay ipinauubaya na sa pulisya at militar.
(TOTO NABAJA/JOCELYN DOMENDEN)
