Election period simula na GUN BAN CHECKPOINTS IKINASA NATIONWIDE

NAGSIMULA na ang implementasyon ng nationwide election gun ban pagsapit ng alas-12 ng madaling araw nitong Linggo bilang paghahanda sa national at local elections sa May 9, 2022.

Sa ilalim ng Commission on Elections (Comelec) Resolution No. 10728, tanging bonafide police, military at miyembro ng law enforcement agencies na nakasuot ng kumpletong uniporme at naka-duty ang papayagang magdala ng armas.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Roderick Alba, magsasagawa ng checkpoint operations sa mga strategic location upang mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa pagdadala ng baril ng mga hindi otorisadong indibidwal simula Enero 9 ng hatinggabi.

Ipinag-utos ng PNP National Headquarters, sa pamamagitan ng Directorate for Operations, sa Police Regional Offices na magtalaga ng Joint PNP-COMELEC-AFP checkpoints para magsagawa ng weapons check at iba pang anti-criminality at police security operations, laban sa loose firearms, mapanganib na sandata, hindi awtorisadong security personnel, Private Armed Groups (PAGs), at mga wanted na indibidwal.

Kung kakailanganin, isasama ang naturang checkpoint sa Quarantine and Border Control Points sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 pataas.

Ayon kay PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, alinsunod sa Comelec Resolution No. 10728, sinususpinde ang validity ng lahat ng inilabas ng PNP na Permits to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa licensed firearm holders, juridical entities, at mga miyembro ng law enforcement agencies.

Suspendido rin ang mga permit na inilalabas ng pambansang pulisya para magdala ng armas, bala, pampasabog, public firearms display at exhibits, at maging ang employment ng security personnel para sa mga tinatawag na ‘VIP’.

Tinatayang aabot sa mahigit 14 libong sundalo at pulis ang ikinalat sa buong bansa para magmantine sa mga itinatag na Comelec checkpoint.

Mananatili ang Comelec gun ban hanggang matapos ang halalan sa Mayo.

1 nasampolan

Kasunod nito, isang lalaki ang agad nasampulan sa umiiral na total gun ban nang makumpiskahan ito ng baril nang dumaan sa Comelec checkpoint.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Maj. General Vicente Danao, nadakip ang lalaki sa Navotas dakong alas-2:20 ng umaga.

Habang hinahanapan ng dokumento at ID ang lalaki ay pinababa ito sa sasakyan at doon aksidenteng nalaglag ang kanyang kalibre 38 na isinuksok niya sa kanyang shorts.

Sa Caloocan, isang lalaki rin ang naharang sa checkpoint dahil sa hindi pagsusuot ng helmet habang sakay ng motorsiklo.

Irereklamo rin ito sa paglabag sa minimum public health standards dahil sa hindi rin pagsusuot ng face mask.

Babala ni Mgen. Danao, mahigpit nilang ipatutupad ang election gun ban sa Metro Manila na nagsimula madaling araw ng Enero 9 at magtatapos hanggang Hunyo 8, 2022.
(JESSE KABEL)

205

Related posts

Leave a Comment