PINAGHAHANDAAN na ng Commision on Elections (Comelec) at iba pang election stakeholders ang pagdaraos ng Election Summit sa 2023.
Sa pangunguna ni Chairman George Garcia, nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagdaraos ng summit kasama ang mga poll watchdog, civil society groups at non-government organizations.
Kasama sa mga lumagda sa MOA ang National Movement for Free Elections (NAMFREL), Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV, Legal Network for Truthful Elections (LENTE), at iba’t iba pang poll watchdogs at civil society organizations.
“Nakipagkapit-bisig tayo sa lahat ng civil society organizations pati sa citizens group na gustong magkaroon ng isang malusog na demokrasya, maayos, malinis na halalan sa ating bansa. Importante na yun ang pundasyon natin. Kinikilala ng Comelec na ang pagkakaroon ng halalan sa bansa ay hindi lamang isang obligasyon ng Comelec, ito’y dapat obligasyon din ng bawat isa sa atin,” pahayag ni Garcia.
Aniya, makasaysayan ang MOA kasama ang napakaraming mga organisasyon dahil kauna-unahan itong mangyayari sa bansa sa susunod na taon. Ang Election Summit 2023 na target idaos sa huling linggo ng Enero 2023 ay pamumunuan ni Comelec Commissioner Nelson Celis.
Bubuksan ito sa publiko para maging transparent ang kabuuang proseso at tatanggap ng suhestiyon sa mga dadalo.
Anoman ang rekomendasyon na mabubuo mula sa Election Summit 2023, ay gagamitin umanong basehan sa mga susunod na aksyon o hakbang ng Comelec sa pagdaraos ng halalan sa 2025, 2028 at sa mga susunod pang eleksyon. (RENE CRISOSTOMO)
259