ELECTRIC COMPANIES PINAALALAHANAN SA KANILANG SOCIAL RESPONSIBILITY

NANAWAGAN si Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo sa mga electric company na makipagtulungan sa pagtanggal ng system loss charge sa electric bills ng mga konsyumer.

“Nasaan ang konsepto ng social responsibility sa lahat ng ito? Ang community ay nalulubog sa utang at kahirapan habang sila ay kumikita ng bilyon-bilyong tubo dahil pinipiga nang husto ang mga konsyumer,” ani Tulfo sa isang panayam sa radyo.

Dagdag pa niya, hindi makatarungang ipasa sa mamamayan ang system loss at ang mga kumpanya ng kuryente ang dapat umanong managot sa sarili nilang pagkalugi.

Nangako si Tulfo na tatapusin ng komite ang mga pagdinig bago matapos ang taon upang mabago ang mga patakarang nagpapahintulot sa pagpapasa ng system loss charge sa mga konsyumer.

Aniya, kahit ilang daang piso lamang ang system loss charge sa bawat bill, malaking tulong na ito sa mahihirap na pamilya kung aalisin dahil maaari itong magamit sa pagbili ng bigas o gasolina.

Hinimok din niya ang mga distributor at generation companies na gampanan ang kanilang social responsibility at makiisa sa pagpapagaan ng pasanin ng publiko.

Binigyang-diin din ni Tulfo na kailangan nang amyendahan ang 25-taong-gulang na Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) upang maisakatuparan ang layunin nitong makapagbigay ng murang kuryente sa mga Pilipino.

Kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na alisin ang system loss charge, inihain ni Tulfo ang Senate Resolution No. 537 para imbestigahan ang naturang patakaran, Senate Bill No. 2239 na nagpapawalang-bisa sa Batas Pambansa Blg. 36 o Energy Tax Law, at Senate Bill No. 2340 na naglalayong alisin ang value-added tax (VAT) sa system loss charge.

(DANG SAMSON-GARCIA)

151

Related posts

Leave a Comment