(ELEKSYON 2022) PNP HANDA SA LAST MINUTE COC FILING

PINAGHAHANDAAN na ng Philippine National Police (PNP) ang pagdagsa ng mga tao sa huling araw ng itinakdang panahon para sa paghahain ng kandidatura para sa nalalapit na halalan sa Mayo 2022.

Inalerto na rin ni PNP chief General Guillermo Eleazar ang mga regional, provincial city at local police departments, kasabay ng direktibang magtalaga ng sapat na bilang ng mga pulis sa mga itinakdang lugar sa huling araw para sa filing ng Certificate of Candidacy (COC) at Certificate of Nomination para sa party-list groups.

“On the part of the PNP, I have already instructed our Regional and Provincial Directors to place on standby enough police personnel that would respond to any eventuality as candidates and party-list groups beat the deadline,” aniya.

Bagamat handa ang kapulisan, nanawagan pa rin ang heneral sa mga nais lumahok sa 2022 general elections na agahan ang pagsusumite ng kanilang kandidatura upang maiwasan ang pagdami ng mga tao, bagay na pwede aniyang maging “superspreader” ng nakamamatay na COVID-19.

Paalala pa niya, sumunod sa patakarang inilatag ng Commission on Elections (Comelec).

Kaugnay nito ay inatasan din ang lahat ng mga pulis sa buong bansa na makipag-ugnayan sa Comelec para tiyaking mapayapa, maayos at mahigpit pa ring naipatutupad ang minimum health protocols sa paghahain ng COC at CONA. (JESSE KABEL)

173

Related posts

Leave a Comment