EMERGENCY POWERS KAY PDU30, LABAG SA BATAS NG PHILHEALTH

IGINIIT ni Senador Panfilo Lacson na hindi kailangang bigyan ng “emergency power” si Pangulong Rodrigo Duterte upang mapakapagsagawa ito ng magpasyang aksyon laban sa garapalang korapsyon at pandarambong sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil labag ito sa batas.

Ipinaalala ni Lacson sa mga nambubuyo kay Duterte na bigyan siya ng karagdagang kapangyarihan na una sa lahat, ang “PhilHealth is a creation of a law passed by Congress, the President has no statutory power to reorganize the agency.”

Aniya, kailangang magpasa ang Kongreso ng batas upang mabigyan si Duterte ng ‘espesyal na kapangyarihan’ upang tuldukan ang malaganap at talamak na korapsyon at pandarambong sa PhilHealth.

Maliban kay Lacson, ilang personalidad na rin ang bumatikos sa ideya dahil itinalaga na ni Duterte ang dating direktor ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Atty. Dante Gierran bilang bagong pangulo at CEO ng PhilHealth.

Si Gierran ay matagal naging NBI-Davao director bago naging pinuno ng NBI noong 2016.

Inamin ni Gierran na si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang nag-alok sa kanya ng posisyon.

Bago napasok sa NBI si Gierran noong 1990, isa siyang credit collector ng isang pribadong kumpanya.

Sa kanyang pagpasok sa PhilHealth, tiniyak ni Gierran na “wala nang korapsyon” sa nasabing ahensiya bago matapos ang termino ni Duterte sa Hunyo 30, 2022, Sabi naman ni Senador Francis Pangilinan, walang silbi ang emergency power dahil hindi naman naresolba ni Duterte ang problema ng bansa gamit ang ibinigay sa kanyang karagdagang kapangyarihan.

Inihalimbawa ng pangulo ng Liberal Party (LP) ang paglaban sa coronavirus disease-19 (COVID-19) at terorismo sa Mindanao bilang kongretong mga katibayang nagpatunay na palpak ang emergency power na isinubo kay Duterte.

“Kung seryoso talaga silang ayusin ang PhilHealth at tugunan ang COVID, sibakin nila si [Health Secretary Francisco] Duque [III] at sampahan ng kaso ang mga nasa likod ng overpricing ng test kits, testing machines, at ng bilyong binulsa sa PhilHealth ng Mindanao mafia. ‘Yan ang solusyon, hindi emergency powers,” birada ni Pangilinan.

Kasama si Duque sa pinakakasuhan ng Senado sa Department of Justice (DOH) sa Office of the Ombudsman.

Ngunit, ayon kay Senate President Vicente Sotto III, “malversation of funds” ang maaaring ikaso kay Duque, imbes na “plunder” (pandarambong) dahil P50 milyong pera ng PhilHealth ang nakurakot.  (NELSON S. BADILLA)

129

Related posts

Leave a Comment