INALOK umano ng P200 milyon ng nagpakilalang emisaryo ng ABS-CBN si ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap kapalit ng boto nito pabor sa prangkisa ng nasabing network.
“More than two weeks ago, may tumawag sa atin, nagpakilalang emisaryo ng ABS CBN at hinihimok tayong bumoto pabor sa ABS-CBN kapalit ng 200 Million pesos. Simple lang ang sagot ko, hindi for sale ang prinsipyo at boto ko,” ani Yap.
“Nilabas ko ba sa media? Hindi. Dahil hindi tayo sigurado kung emisaryo nga ng ABS-CBN yun at unfair naman na malalagay sa alanganin ang pangalan ng ABS-CBN dahil sa kanya at unfair din maging sa proceedings ng Joint Committee na tumatalakay sa issue ng prangkisa nila,” dagdag pa ni Yap.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos aniyang kumalat ang mga fake news, hindi lamang sa mainstream media kundi sa mga social media hinggil sa mga paratang laban sa mga mambabatas habang papalapit ang botohan sa prangkisa ng network.
“May nabasa akong pinagtutulungan daw i-pressure ang ating mga kasamahan para bumoto laban sa ABS-CBN pero puro paratang lang ang laman at walang credible source. Meron pang listahan na nilabas na boto raw ng mga kongresista kahit na malinaw na malinaw na wala pang nangyayaring botohan. Why use unverified information? Do not mislead the public,” ani Yap.
Patunay rin umano ang mga kumalat na fake news laban sa mga mambabatas na pinagbibintangang kontra sa ABS-CBN, na buhay na buhay ang press freedom sa bansa taliwas sa pinalalabas ng mga supporter ng nasabing network na pinapatay ang kalayaan sa pamamahayag.
“Buhay na buhay ang press freedom sa bansa hanggang sa puntong inaabuso na ito para sa pansariling interes ng iilan. Marami tayong kaibigan sa media na balanse at mataas ang antas at integridad ng pagsusulat at pagbabalita. Pero sadyang may iilan na mas matimbang ang pagiging bias at walang pakialam kung tama ang laman ng balita. Do not mislead the public. They deserve to know the truth,” ayon pa kay Yap.
SARILING INTERES
Ginagamit ng pamilya Lopez ang ABS-CBN para isulong ang kanilang personal na interes sa kanilang negosyo at makakuha ng pabor sa gobyerno.
Ganito ang paglalarawan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor para patunayan ang “political bias” ng nasabing kumpanya na itinatanggi ng mga ito at kanilang supporters.
“Ang ating Pangulo ay nagsasalita sa oligarkiya. Ang Oligarchy ay isang maliit na grupo na nagkokontrol ng ating estado at ang grupong ito, ang itinutulak ay ang sariling interes partikular na sa isyu ng ABS-CBN ay ang paggamit ng mass media, ang paggamit ng pagpapahayag para itulak ang sariling interes,” ani Defensor.
“When the president mentioned let us dismantle oligarchy in the Philippines, wawasakin natin ang oligarkiya sa Pilipinas..ang maliit na grupo na nagkokontrol sa ating bansa, nagkokontrol sa kinabukasan ng bawat Pilipino,” dagdag pa ng mambabatas.
Sa libro aniya na isinulat ni Alfred Mccoy ukol sa wrench seeking families sa Pilipinas, binanggit umano na si Geny Lopez, dating chairman ng ABS-CBN ay naging chairman ng Media Citizen Quick Count noong 1992 presidential election bilang tulong kay Pangulong Fidel Ramos na siyang nanalo sa nasabing halalan.
Ilan umano sa mga pabor na nakuha ng pamilya Lopez ay kontrata para sa power plant partikular ang First Gas Power Coporation na nakuha ng pamilya noong Marso 14, 1995 at FGP noong July 22, 1999. (BERNARD TAGUINOD)
