SINIMULAN nang ipamahagi nitong Lunes, Pebrero 7 ang housing units sa mga benepisyaryo ng Manila Tondominium Project sa Vitas, Tondo Manila.
Ang Tondominium ay may dalawang 15-palapag na tower, bawat isa ay mayroong 168 two-bedroom units. Bawat unit ay may lawak na 44 metro kuwadrado, dalawang bedroom, isang silid-kainan, kusina, banyo, at sala. Kasalukuyang ginagawa naman ang Tondominium II.
Sa pamamahagi ng units ay nakunan sa camera ang naluluhang si Mayor Isko Moreno.
Ang Manila Tondominium Project ay itinayo sa Vitas, Tondo, isang mahirap na komunidad sa Maynila kung saan lumaki ang alkalde.
Ito ay isang human moment para sa Alkalde dahil ang Tondominium ay ang kanyang unang natapos na vertical housing project, at ang event ay nagpabalik sa mga alaala ng kanyang kabataan nung siya ay nanirahan sa Tondo kasama ang kargador na ama at ina na labandera.
“Nangarap din ako ng sariling mauuwian, umulan o bumagyo, magkaroon ng delubyo, magdildil man kami ng asin, at least yung bahay ay amin,” sabi ni Moreno.
May paalala rin siya sa mga benepisyaryong pamilya na nabigyan ng housing unit na alagaan ang kanilang bagong tahanan.
Ang pabahay ay ang pangunahing layunin ni Moreno bilang Mayor ng Maynila para sa mahihirap na Manileño na karapat-dapat mabigyan ng disenteng pabahay at nangangako rin siya na palawakin ito sa buong bansa. Sinabi ni Moreno na ito ay magiging isang makabuluhang bahagi ng kanyang pambansang programa kung siya ay mahalal na pangulo sa May 2022. (RENE CRISOSTOMO)
410
