EMPLEYADO NAGULUNGAN NG DUMP TRUCK, PATAY

TODAS ang isang rider nang magulungan ng dump truck makaraang tumilapon mula sa minamanehong motorsiklo sa Caloocan City nitong Sabado ng madaling araw.

Dead on arrival sa Caloocan City Medical Center sanhi ng mga pinsala sa katawan ang biktimang si Isagani Sorio, 36, company employee at residente sa Lot-6, Block 9, Pascual Subd., Brgy. Baesa, Quezon City.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damaged to property ang driver ng dump truck (MAD-33277) na si Carlito Bernardino, 48, ng Condrado St., Brgy. Niugan, Angat, Bulacan.

Ayon kay Caloocan Police traffic investigator, P/Cpl. Dino Supolmo, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Tullahan Road, Sta. Quiteria, Brgy. 163 ng lungsod.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, kapwa tinatahak ng biktima sakay ng kanyang motorsiklo at ng dump truck na minamaneho ni Bernardino, ang naturang lugar patungong Quirino Highway, Quezon City nang mag-overtake umano sa truck ang rider.

Nawalan umano ng kontrol ang biktima at tumama ang harapang gulong ng kanyang motorsiklo sa sementadong gutter ng kalsada.

Bunsod nito, tumilapon ang biktima hanggang sa makaladkad at magulungan ng harapan kanang gulong ng dump truck ang kanyang katawan.

Agad isinugod ang biktima sa pagamutan ngunit hindi umabot nang buhay habang sumuko naman ang driver kay PEMS Ronald Villafaña ng Caloocan Police SS6. (FRANCIS SORIANO)

148

Related posts

Leave a Comment