NAKATAKDA nang isampa ngayong linggo ang mga kaso laban sa isang empleyado ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Batangas, sa kanyang mister, at iba pang indibidwal na sangkot sa tangkang pagpupuslit ng tinatayang 1.1 billion pesos na halaga ng mga sigarilyo sa Batangas City noong nakaraang buwan.
Kasong paglabag sa Republic Act 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ang isasampa laban sa mga sangkot. Ang naturang kaso ay non-bailable offense na kung mapatutunayang guilty ay maaari silang mapatawan ng habambuhay na pagkakakulong.
Ang nasabing mga kontrabando ay nakumpiska ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) noong December 31 sa isang container yard sa Sitio 5, Barangay Balete sa Batangas City. Ayon sa PNP-HPG natukoy nila na ang nagrerenta sa container yard kung saan natagpuan ang 14 na trailer trucks na puno ng mga sigarilyo ay asawa ng empleyado ng customs.
Samantala, iniutos na ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang malalimang imbestigasyon sa paglaganap ng kaso ng cigarette smuggling at iba pang ilegal na aktibidad na umano ay kinasasangkutan ng ilang opisyal mula sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).
Nauna na ring sinibak sa pwesto si Intelligence Officer III Paul Oliver Pacunayen, hepe ng CIIS Field Station, POM.
Ito ay matapos makasama ang pangalan ni Pacunayen sa liham na ipinadala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng concerned officials, employees at stakeholders ng BOC kung saan ibinubunyag ang muling paglaganap ng smuggling activities sa mga pantalan sa bansa na nagresulta ng malaking kabawasan sa revenue collections.
Sa naturang liham sa Pangulo ay binanggit din ang pangalan ni CIIS Director Thomas Narcise at ang isang notoryus customs broker na una nang nabanggit sa 2022 Senate report bilang major agricultural smuggler na nag-ooperate sa Port of Subic, Manila International Container Port, Port of Manila, Port of Batangas, at Port of Cebu.
Bilang pagsiguro sa walang humpay na kampanya kontra smuggling, nitong weekend ay sinalakay ng BOC ang warehouse sa Mexico, Pampanga na natuklasang sangkot sa ilegal na paggawa ng yosi.
Walang permit ang warehouse at hindi authorized na gumawa ng sigarilyo. Nakita sa warehouse ang mga yosi na may brand na “Two Moon,” cigarette-making machines at manufacturing paraphernalia na may brands na Mighty, H&P, Playboy, at Carnival.
Ang nasabing mga brand ay pareho ng nakumpiska sa operasyon sa Batangas kaya ayon sa BOC, posibleng may ugnayan ang dalawang insidente.
Sa Kamara, naghain na ng resolusyon si Marikina City Rep. Romero “Miro” Quimbo, chairman ng House Ways and Means Committee para imbestigahan ang pagkakasabat sa 32 truck na naglalaman ng smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P2.6 billion.
Kasama umano sa mga maipatatawag sa imbestigasyon sina Port of Batangas District Collector Carmelita Talusan, Manila International Container Port District Collector Rizalino Jose Torralba, at Port of Manila District Collector Alexander Gerard Alviar.
Kung susumahin ayon sa mambabatas, aabot sa P875.16 million ang nawala sa gobyerno na kita sa buwis dahil sa mga nakumpiskang kontrabando.
1
