Endgame NG PCO sinopla ng solons ISYU SA ‘KULIMBAT’ PARA KINA PBBM, ROMUALDEZ IMBESTIGAHAN MUNA

SINUPALPAL ng ilang kongresista ang Malacañang matapos ihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez na nalalapit na ang “endgame” sa imbestigasyon sa flood control corruption scandal kahit napakarami pang bigatin ang hindi man lang naimbestigahan.

“Hindi ito ang hustisyang inaasahan ng taumbayan,” ani Kabataan party-list Rep. Renee Co, sabay banat na maraming alegasyon ang hindi pa rin binubusisi kabilang ang sinasabing P2 bilyong monthly kickback na umabot umano sa P56 bilyon para kina dating House Speaker Martin Romualdez at Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa dating kongresistang si Zaldy Co.

Kasama rin sa nakabiting kaso ang sinabi ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo tungkol sa P8.2 bilyong SOP na umano’y ibinigay sa mga dating USec. na sina Trygve Olaivar at Adrian Bersamin, at nabanggit pa ang mga pangalan nina dating Executive Secretary Lucas Bersamin, dating Budget Secretary Amenah Pangandaman, at Justice USec. Jose Cadiz Jr.

“Kung talagang seryoso ang gobyerno sa paglaban sa katiwalian, bakit walang imbestigasyon sa mga detalyadong alegasyon ni Co at sa P8.2 billion na inamin ni Bernardo? Is this the maximum extent that the Marcos administration’s anti-corruption drive is willing to go because the investigation is getting too close for comfort to those in Malacañang?,” tanong ni Co.

Tulad ng Kabataan, umalma rin si Gabriela party-list Rep. Sarah Elago, lalo na’t nabutas ang kredibilidad ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos mag-resign si dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson.

“Paano magiging credible ang imbestigasyon kung ang mga miyembro sa investigative body ay sumusuko na?,” ani Elago.

Bibilisan Paghuli sa Kurakot

Kasabay ng ingay sa flood control scandal, inihain naman ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima ang House Bill 6626 o “Anti-Illicit Enrichment and Anti-Illicit Transfer Act,” para mas mabilis mahuli ang mga opisyal na biglang yumayaman sa puwesto.

Aamyendahan nito ang Revised Penal Code para gawing bagong krimen ang illicit enrichment o ‘yung biglang yaman na walang maipakitang pinanggalingan sa kanilang SALN, mula lote, condo, yate, helicopter, negosyo hanggang shares of stock.

Kung hindi kayang ipaliwanag, kasuhan agad. Mas malaki ang misteryosong yaman, mas mabigat ang katapat na pagkakulong. Nakasaad sa panukala ang 6-12 taong kulong para sa P10M–P20 milyong biglang yaman; para sa lagpas P20M–P50M ay reclusion perpetua o 20–40 taon, may kasama ring parusa sa mga “illicit transfers” o kahina-hinalang paglilipat ng asset habang nasa puwesto.

(BERNARD TAGUINOD)

25

Related posts

Leave a Comment