UMAASA si Senador Grace Poe na maglalatag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng mga solusyon sa dambuhalang problema ng bansa upang makaahon ang ekonomiya at mamamayan sa kahirapang sanhi ng pandemya at pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na kailangan maglatag kaagad si Pangulong Marcos ng kongkreto, komprehensibo at epektibong solusyon sa problemang kinaharap ng bansa.
“Sa kanyang kauna-unahang SONA, haharap ang Pangulo sa taumbayan na ginigipit ng sunod-sunod na mga hamong nangangailangan ng kongkreto, komprehensibo at epektibong mga solusyon,” ayon kay Poe.
Ayon kay Poe, lumiliit ang halaga ng piso kaya’t nahihirapan ang mamamayan na makabili ng pagkain at pangunahing pangangailangan sa gitna ng mga pagtaas ng presyo.
“Sa pangunguna ng Pangulo sa Department of Agriculture, umaasa tayong magagawaran na ng sapat na pansin at pondo ang sektor para maiahon at maiangat ang output ng ating mga magsasaka at mangingisda na ating sandigan sa pagkamit natin ng seguridad sa pagkain,” ayon kay Poe.
“Ang gutom ay hindi dapat patuloy na dumurog sa ating pagsisikap na makabangon muli; lalong hindi nito dapat igupo ang pag-asa at kinabukasan ng mga batang pinakaapektado nito. Umaasa tayong ang feeding programs ng pamahalaan sa ilalim ng batas na ating ipinasa ay palalakasin at palalawakin upang marating ang lahat ng batang dapat maabot nito nang walang naiiwan,” dagdag ng mambabatas.
Ayon kay Poe, may halos tatlong milyong Pilipino ang walang trabaho, ayon sa pinakabagong datos ng gobyerno.
Aniya, habang hinihintay natin na makumpleto ang malalaking proyekto tungo sa mas mabisang mass transportation system sa bansa, umaasa tayong tutugunan ng pamahalaan ang pagdaragdag at pagpuno sa kakulangan ng masasakyan—lalo na sa harap ng nalalapit na pagbabalik ng face-to-face classes sa ating mga paaralan. (ESTONG REYES)
441 