EPEKTO NG PAGTANGGAL NG BUWIS SA PETROLYO, AYON KAY SEN. LACSON

RAPIDO ni PATRICK TULFO

NAGBABALA si Sen. Ping Lacson na maaaring tamaan ang ekonomiya kung tatanggalin ang excise tax at maging ang e-vat sa mga produktong petrolyo.

Ayon sa senador, mawawalan ng P200 bilyon ang gobyerno kapag sinuspinde ang excise tax at maaaring umabot sa P320 bilyong piso kung isasama ang e-vat.

Sinabi pa nito na hindi simpleng desisyon ang pagtanggal ng mga buwis sa mga produktong petrolyo at kinakailangan pa ng mas malalim na pag-aaral.

Dahil kung ang layunin lang daw ng gobyerno ay gamitin ang isyu upang makakuha ng boto para sa darating na halalan, ang tatamaan naman daw ay ang kapakanan ng pangkalahatan dahil nga sa magiging epekto nito sa GDP (Gross Domestic Product) na mararamdaman sa 2027.

Sa ngayon, tama na muna raw ang pagtanggal sa excise tax upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ayon dito.

Ito siguro ang dahilan kung bakit kahit na mayroon nang kapangyarihan si PBBM na suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo, ay hindi pa niya ginagawa ito.

Dapat ay ipinaliwanag na ito ng pamahalaan sa ating mamamayan noon pa man, para kahit paano ay maintindihan natin kung bakit hindi kaagad maipatupad ang mga panawagan na tanggalin na muna ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Bakit kinakailangan pang manggaling sa isang mambabatas ang paliwanag? Ano ang ginagawa ng mga nakaupo riyan sa Department of Finance?

Ang GDP po ay ang ginagamit na batayan upang malaman kung gaano ang inilago ng ekonomiya ng bansa.

27

Related posts

Leave a Comment