CLICKBAIT ni JO BARLIZO
INIHAYAG nitong Lunes ni Ombudsman Boying Remulla na naghahanda ang kanilang opisina ng mga kasong isasampa laban sa mga umano’y sangkot sa anomalya sa national budget.
Naghahanda pa lang, ibig sabihin, wala pa. Kaya naman hindi maiwasang kwestyunin ang timing niya sa paglalantad ng mga pangalan dahil wala pa namang aktwal na pagsasampa ng kaso.
Karaniwan kasi, kung talagang may matibay na ebidensya, diretso na ‘yan sa korte. Pero sa nangyari, presscon muna bago ang kaso na ang sabi ay posibleng sa Mayo pa maisampa.
May binabanggit ang Ombudsman na sabwatan sa proseso ng paglalaan ng pondo ng pamahalaan noong 2024 at 2025 na kinasasangkutan ng dalawang kapulungan ng Kongreso. Pero sa puntong ito, maliwanag na patuloy pa lang sila sa pangangalap ng ebidensya.
Hindi rin malinaw ang sinasabing sabwatan ng ilang personalidad. Paano nasabi na nag-conspire si Senator Chiz Escudero kay dating Speaker Martin Romualdez, samantalang si Escudero pa nga ang isa sa mga unang naglantad ng mga isyu laban dito? Siya rin ang nagpaabot ng impormasyon kay Pangulong Bongbong Marcos tungkol sa flood control insertions. Sa mga nakaraang Kongreso, siya rin ang madalas magtanong kung bakit mas pinapaboran ang flood control kaysa agrikultura.
Nagtataka rin ang marami kung bakit naisama ang pangalan ni Escudero, gayong si Romualdez lang ang inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure at ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na kasuhan ng plunder. Sa katunayan, si Escudero pa nga ang isa sa mga unang nagturo sa dating Speaker bilang nasa likod ng anomalya.
Kung titingnan ang nangyari sa Kamara nitong mga nakaraang taon, makikita naman kung saan lang umikot ang pondo. Ang malalapit sa liderato ni Romualdez ang pangunahing nakinabang, at doon din nagmula ang insertions, hindi sa Senado.
Wala ring konkretong ebidensya na nagkaroon ng personal na pakinabang si Escudero. Walang property trail at walang indikasyon ng biglaang yaman. Samantalang marami nang kumukwestyon sa ari-arian at impluwensya ni Romualdez, kabilang ang mga naiulat na properties sa abroad at sa Forbes Park.
Kung ang problema ay matagal na, mula pa sa panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, bakit hindi kabilang sa imbestigasyon si Senator Juan Miguel Zubiri, lalo na’t sinasabing lumala ang ghost insertions noong 2023 at 2024 sa kanyang termino bilang Senate President?
Kaya naman marami ang nagtataka. Tila hindi anila tugma ang mga pahayag ng Ombudsman sa mga aktwal na nangyari. Si Escudero ang naglantad at kumwestyon sa sistema. Tanong nga ng ilan, hindi kaya may halong pulitika ang mga akusasyon, lalo na’t noong nakaraang taon ay binanggit mismo ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, kapatid ni Ombudsman Boying, ang pangalan ni Chiz bilang posibleng kandidato sa 2028 presidential elections?
Pilipinas nga naman, maaga pa lang, ramdam na ang galaw ng pulitika.
100 