EPEKTO NG SIGALOT NG BENECO-NEA IIMBESTIGAHAN

NAGHAIN ng resolusyon si Senador Win Gatchalian upang siyasatin ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng Benguet Electric Cooperative Inc. (BENECO) at ng National Electrification Administration (NEA).

Kahit napabalitang bumalik na sa normal ang serbisyo ng BENECO, matapos magambala ang operasyon nito noong Oktubre 10 hanggang 20 nang sapilitang mag-take-over ang mga hinirang na opisyal ng NEA, wala pa ring pinal at malinaw na proposisyon ang dalawang panig.

Nalaman ni Gatchalian na nahihirapan ang BENECO sa proseso sa bangko dahil ayaw umanong kilalanin ang pirma ni Engr. Melchor S. Licoben bilang general manager (GM) ng nasabing kooperatiba.

“Kailangang maiwasan na magkaroon ng pagkaantala sa operasyon ng electric cooperative na maaaring magresulta sa brownouts sa Baguio City o saan man sa 13 bayan na sineserbisyuhan ng kumpanya,” ani Gatchalian sa paghahain ng Senate Resolution No. 945.

Nagsimula ang sigalot ng BENECO at NEA kasunod ng magkaibang pananaw nila kung sino ang dapat umupong bagong GM matapos magretiro ni Gerry Versoza noong April 30, 2020.

Naglabas ng tatlong resolusyon ang board of directors ng BENECO na humihirang kay Licoben bilang bagong GM pero ang inirekomenda ng board of administrators ng NEA ay si Atty. Anna Marie Paz Rafael sa pamamagitan din ng isang resolusyon.

Ang sumunod na eksena ay ang pagsugod sa opisina ng BENECO, madaling araw ng Oktubre 18, 2021 ng nasa 50 armadong pulis para lamang ipatupad ang pag-upo ni Rafael na nagbunsod ng tensyon sa mga empleyado ng BENECO. Ito rin ang naging dahilan ng pansamantalang pagsasara ng opisina ng BENECO noong Oktubre 18 hanggang 19 at nakaantala sa serbisyo nito.

Pinaalala ni Gatchalian na batay sa Memorandum No. 2017-035 na inilabas ng NEA noong Oktubre 24, 2017 o ang Revised Policy on the Selection, Hiring, Termination of  Services/Suspension for General Managers of Electric Cooperative (3rd Revision) na ang board of directors ng electric cooperative ang magtatalaga ng kanilang GM alinsunod sa mga alituntunin ng NEA. (ESTONG REYES)

196

Related posts

Leave a Comment