EPEKTO SA EKONOMIYA NG EDSA REBUILD PINASISILIP

IKINATUWA ni Senador JV Ejercito ang kautusan ni Pangulong Marcos Jr. na ipatigil muna ang planong rehabilitasyon ng EDSA.

Iginiit ni Ejercito na dapat munang suriin ang magiging epekto nito sa ekonomiya bago ito ituloy.

Ipinaalala ng senador na batay sa Japan International Cooperation Agency (JICA), nawawalan na ng P3.5 bilyon kada araw ang ekonomiya dahil sa trapiko sa Metro Manila.

Posible pa anyang umabot ito sa P5.4 bilyon kada araw pagsapit ng 2035 kung walang aksyon.

Para kay Ejercito, dapat mag-ingat sa pagpapatupad ng solusyon para hindi lalong lumala ang sitwasyon.

Hinimok ng senador na ipagpaliban ang EDSA rehab hangga’t hindi pa operational ang North-South Commuter Line at Metro Manila Subway.

Magiging epektibo anya itong alternatibo sa mga pribadong sasakyan at makakabawas sa abala.

Pinaalalahanan niya ang mga ahensya na lalo pang sisikip ang trapiko kapag nagsimula ang konstruksyon.

Kahit may EDSA bus lane, hindi ito sapat. Maaapektuhan pa rin ang mga commuter na umaasa sa jeep, shuttle, at carpool.

Babala ni Ejercito, baka tuluyang bumagsak ang sistema ng trapiko kapag isinabay ang rehabilitasyon sa kakulangan ng alternatibong transportasyon.

Hinimok niya ang gobyerno na unahin ang mga proyektong tren bago simulan ang malawakang pagkukumpuni sa EDSA.

(DANG SAMSON-GARCIA)

29

Related posts

Leave a Comment