ERWIN TULFO AT ALYANSA, INENDORSO NI CEBU GOV. GARCIA AT IBA PANG VOTE RICH PROVINCES

OPISYAL nang inendorso ni Cebu Governor Gwen Garcia si Erwin Tulfo at buong Alyansa para sa Bagong Pilipinas, para sa Senado, nitong Lunes.

Si Garcia ang pinuno ng makapangyarihang lalawigan ng Cebu na may 3.7 milyong rehistradong botante, at ng dominanteng partidong pampulitika sa lalawigan, ang One Cebu.

Sa kanyang talumpati sa One Cebu sortie kasama ang Alyansa Slate sa bayan ng Dumanjug, binigyang-diin ni Gov. Garcia na kahit may hindi pagkakaunawaan sila ni Senador Raffy Tulfo, buo pa rin ang kanyang suporta kay Erwin Tulfo.

“Pero kung pag-iisipan talaga natin, kahit sa loob ng isang pamilya, magkakaiba tayo ng pag-iisip. Hindi tayo pare-pareho. At hindi ko ipagkakaila ‘yan. Sa aming pamilya, may mga magkakapareho ng pananaw, pero meron ding magkaiba ang takbo ng isip at asal,” pahayag ni Garcia na ibinigay sa halo ng Bisaya at Ingles.

“Dahil sa paggalang sa Pangulo, at dahil naniniwala akong handa talaga ang kandidatong ito na ipaglaban ang Cebu—kaya sinasabi ko: suportahan natin si Erwin Tulfo,” dagdag pa niya.

Nagpasalamat naman si Tulfo sa mainit na suporta mula kay Gov. Garcia, lalo’t isa ang Cebu sa may pinakamataas na voter turnout noong 2022 elections, na umabot sa 87.48%.

“Makakaasa si Gov. Garcia, ang One Cebu, at ang lahat ng Cebuanos na hindi ko sila bibiguin. Patuloy tayo sa pagtatrabaho at mas lalo ko pang pagbubutihin kung papalaring mahalal bilang senador sa Mayo 12,” ani Tulfo. Kasama rin ang mga opisyal ng One Cebu Party na nagpahayag ng suporta kay Tulfo.

Malaki ang inaasahang epekto ng pag-endorso ng Cebu sa kampanya ni Tulfo, lalo’t kamakailan lamang ay nakuha rin niya ang suporta ng isa pang vote-rich province—ang Batangas, na may 1.95 milyong rehistradong botante. Bukod sa Cebu at Batangas, nakakuha rin si Tulfo ng suporta mula sa mga probinsyang may malaking bilang ng botante tulad ng Pangasinan (2.15 milyon), Pampanga (1.62 milyon), Quezon (1.240 milyon), Camarines Sur (1.2 milyon), at Cavite (2.2 milyon botante).

30

Related posts

Leave a Comment