HINDI na bago sa ating pandinig ang pangalang Erwin Tulfo.
Kilalang matulungin ang mamang ito. Marahil ito ang nakikita ng bagong administrasyon kaya itinalaga ito bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Lubos ang pasasalamat ni Tulfo sa kanyang pagkakanomina sa gabinete ni president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Nangako si Tulfo na magsisilbi nang maigi sa ahensya.
Noong panahon ng pandemya, halos hindi maabot ng media ang DSWD, partikular si Sec. Rolando Bautista. Kaya halos murahin ito ni Tulfo at tinawag pang inutil.
“Una sa lahat, salamat sa Diyos. Maraming salamat kay president-elect Bongbong Marcos sa tiwala. Alam ko na maraming trabaho ang naghihintay sa DSWD,” sabi ni Tulfo.
Dating news anchor at komentarista sa TV5 at Radyo Singko si Erwin. Naging bahagi rin siya ng news program na “Ulat Bayan” sa state-run PTV 4. Kilala siyang kapatid ng senator-elect at kapwa broadcaster na si Raffy Tulfo. Kapatid din nilang dalawa sina Ben at Mon, ang kanilang panganay.
Bukod kay Tulfo, kasama rin sa gabinete ni Marcos Jr. sina Liloan Cebu Mayor Christina Frasco (Department of Tourism), dating Manila Rep. Naida Angping (Presidential Management Staff), Amenah Pangandaman (Department of Budget and Management) at Ivan John Enrile Uy (Department of Information and Communications).
Nauna nang itinalaga si incoming press secretary Trixie Cruz-Angeles at iba pa. Ayon kay Erwin, “ang tanging maipapangako ko lamang ay sisikapin ko na matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayang mahihirap at nangangailangan.”
Noong 2010, nakapanayam ni Erwin ang hostage-taker na si Rolando Mendoza sa Manila hostage crisis na binatikos ng ilan dahil posibleng nagpalala pa raw ito sa sitwasyon matapos masawi ang ilang bihag.
Ngunit tiwala tayo sa kakayahan ni Erwin. Suportado rin ng mga kawani at opisyales ng DSWD ang kanilang bagong kalihim.
Ayon kay DSWD Spokesperson Director Irene Dumlao, nakahanda silang suportahan si Tulfo sa pagpapatupad ng mandato ng ahensya. Sa ngayon, naghahanda na raw ang ahensya para sa transition plan ng susunod na administrasyon.
Well, maging kami ay kumpiyansang maipag-papatuloy ni Erwin ang hangarin ng ahensya sa paghahatid ng serbisyo sa mga mahihirap at vulnerable sector.
Mabuhay po kayo at God bless!
