NANAWAGAN si Senate committee on Foreign Relations Chairman Erwin Tulfo sa kanyang mga kasamahang mambabatas na pabilisin ang pagpasa ng Senate Bill No. 1625, o ang “West Philippine Sea (WPS) Education Act.” Layunin ng panukalang ito na gawing bahagi ng kurikulum sa basic at higher education ang pag-aaral tungkol sa mga teritoryong pandagat ng bansa.
“Bagama’t ito ay isang kritikal na usapin sa soberanya ng Pilipinas, tila marami pa ring mga Pilipino ang walang sapat na kaalaman tungkol sa West Philippine Sea at iba pang teritoryo ng bansa.
Kaya naman dapat talaga natin itong isama sa ating education system,” diin ni Tulfo.
Sa ilalim ng panukala ni Tulfo, isasama sa mga syllabi ng basic at higher education ang mga materyales sa pag-aaral na angkop sa edad ng mga mag-aaral.
Kabilang sa mga materyales na ito ang mga internationally recognized facts, mga desisyon ng Korte Suprema, at mga kaugnay na batas tungkol sa WPS.
Ang pagbuo ng mga materyales at pagsasanay ay magiging kolaborasyon ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), National Security Council (NSC), Department of Foreign Affairs (DFA), at iba pang kaugnay na ahensya ng gobyerno.
Hinihikayat din ng panukalang batas ang mga State Universities and Colleges (SUCs) na dagdagan ang mga pananaliksik at pag-aaral tungkol sa maritime security and governance, mga coastal communities, at iba pa.
“Maipaglalaban lamang natin ang ating mga karapatan kung alam natin kung ano ang mga ito. Kung ipagpapaliban natin ito, madaling magiging target ng disinformation at propaganda ang mga Pilipino na maaaring makaapekto sa kaisipan ng susunod na henerasyon tungkol sa West Philippine Sea,” pagtatapos ni Tulfo.
3
