SA pagsingaw ng bulilyaso ng Department of Budget and Management (DBM) at Pharmally Pharmaceutical Corporation, angkop lang tukuyin ang may sala, bagay na tila inabuso ng Senate Blue Ribbon Committee at sukdulang gamitin at sakyan sa pamumulitika.
Kung tutuusin, malaking tulong talaga ang imbestigasyon ng Senado “in aid of legislation.” Pero ‘yung nga ba ang pakay ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon?
Sa ganang akin, tila lumabis ang komite nang idamay pa ang Pharmally Biological Pharmaceutical Company (PBPC). Katwiran ni Gordon, board member din kasi ng PBPC ang isang Huang Tzu Zen na una nang nadawit sa Pharmally scandal.
Ang totoo, alam ni Gordon ang kalakaran sa kalakalan at komersyo. Batid niyang pinahihintulutan sa ilalim ng umiiral na batas ang pag-upo bilang board member ng isang tao sa higit pa sa isang kumpanya. Pero hindi nangangahulugang may kaugnayan ang bawat kumpanya sa isa’t isa.
Ang siste, puntirya lang pala sa pagdadamay ng PBPC ang may-ari ng kumpanya – si Rose Nono Lin na kandidato sa posisyon ng kongresista sa ika-5 distrito ng Quezon City. Rekomendasyon ng komite ni Gordon, kasuhan ng perjury si Lin sa paratang na siya’y kasapakat sa anomalyang pinasok ng Pharmally.
Batay sa dokumento ng Securities and Exchange Commission (SEC), rehistrado at lehitimo ang PBPC na pagmamay-ari ni Lin. Lumalabas din sa pagsusuri ng SEC na walang kinalaman ang PBPC sa Pharmally. Wala rin anilang pinasok na kontrata sa gobyerno ang PBPC.
Susmaryosep! Eh bakit idinidiin ang PBPC at ang may-ari ng nasabing kumpanya?
Sa rekord ng Senate Blue Ribbon Committee, pitong ulit dumalo sa pagdinig ng komite si Lin. Ang problema, tila sinisilip ang dalawang paglibang pawang may kalakip na dahilang suportado ng dokumentong patunay at walang bahid kasinungalingan.
Malinaw na nakikipagtulungan ang PBPC, sadya nga lang sigurong mas kayang barakuhin ni Gordon si Lin kesa kay dating presidential economic adviser Michael Yang na deadma lang sa mga patawag ng Senado.
O baka naman isang maneobrang pabor sa isa pang kandidato sa pagka-kongresista ng Quezon City 5th district ang panggigipit kay Lin at sa PBPC.
In aid of election na kamo?
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
