QUEZON – Trahedya ang naging wakas ng isang outing matapos malunod ang isang 19-anyos na estudyante sa ilog sakop ng Pulong Pasig, Barangay Santo Anghel, sa bayan ng Calauag sa lalawigan noong Nobyembre 1.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima sa pangalang “Carlo”, residente ng Village Homes Queens Row West, Bacoor City.
Ayon sa imbestigasyon ng Calauag Municipal Police Station, bandang alas-9:30 ng umaga nang mangyari ang insidente habang naliligo sa ilog ang biktima kasama ang ilang kaibigan.
Isa sa mga kasamahan nito ang nakapansin na tila nahihirapan nang lumangoy ang biktima kaya agad silang humingi ng saklolo at sinagip ito.
Mabilis itong binigyan ng CPR matapos maiahon sa pampang at dinala sa Calauag Infirmary ngunit idineklarang wala nang buhay ng doktor.
Ayon sa mga imbestigador, walang nakitang palatandaan ng foul play sa insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
152
