PATULOY ang natatanggap na pagkilala at parangal ng dating Marine Transportation student na si Von Raven Untalan na kamakailan ay nakapagligtas ng dalawang batang nalunod sa isang beach resort sa Catanauan, Quezon.
Matapos siyang pagkalooban ng full scholarship at iba pang benepisyo ng Inter Global College Foundation Inc., (IGCFI), ginawaran naman siya ng pagkilala at gantimpalang cash money ng lokal na pamahalaan ng Catanauan bilang pagpupugay sa kanyang ipinakitang kabayanihan.
Kinilala si Untalan sa pamamagitan ng isang resolusyon ng Sangguniang Bayan bilang pagkilala sa kanyang mabilis na pagresponde at tamang pagsasagawa ng CPR na nagligtas sa buhay ng dalawang batang nalunod noong Hunyo 27 sa Barangay Matandang Sabang Kanluran.
Napag-alaman na si Untalan ay anak nina Barangay Kagawad Ryan Untalan at Dianne Untalan ng Barangay Doongan Ilaya sa nasabing bayan.
Ayon sa LGU, ang parangal ay sumasalamin sa pagpapahalaga ng pamahalaang lokal sa mamamayang nagpapakita ng tapang, kahandaan at malasakit sa kapwa sa oras ng panganib.
Umaasa naman ang lokal na pamahalaan na magsisilbing inspirasyon si Untalan sa mga kabataan at buong komunidad sa kahalagahan ng kahandaan at tamang kaalaman sa pagbibigay ng paunang lunas sa mga oras ng emergency.
(NILOU DEL CARMEN)
66 