EVACUEE SA BATANGAS POSITIBO SA COVID

NAGPOSITIBO sa isinagawang antigen test ang isang 51-anyos na ginang sa isang evacuation center sa bayan ng Agoncillo sa lalawigan ng Batangas noong Lunes ng umaga, ayon sa ulat ng Municipal Health Office.

Walang ano mang naramdamang sintomas o asymptomatic ang nasabing pasyente na dinala na sa quarantine facility habang patuloy ang pagbabakuna sa evacuees.

Kabilang ang bayan ng Agoncillo sa high-risk na mga lugar kung saan nakapagtala ng 25 active cases ng COVID-19.

Patuloy ang paglikas ng mga residente na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal. Halos 121 barangay na ang naapektuhan ng nasabing bulkan.

Sa pinakahuling talaan ng NDRRMC, umabot na sa 5,620 katao o 1570 pamilya ang nasa evacuation centers.

Samantala, 9,853 indibidwal naman ang nananatili sa ibang lugar o kani-kanilang mga kamag-anak

Sa huling update dakong 8:00 ng umaga nitong Martes ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nakapagtala ng 171 volcanic earthquakes at 13 low frequency volcanic tremors sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24-oras.

Mataas na volcanic sulfur dioxide gas at steam-rich plumes ang inilalabas ng bulkan na umabot sa 1,500 metro ang taas sa timog-kanluran.

Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel. Nananatili pa rin sa alert level 3 status ang naturang bulkan. (CYRILL QUILO)

165

Related posts

Leave a Comment