NASAWI ang isang dating barangay captain matapos barilin ng hindi nakilalang salarin habang nasa kanyang ipinagagawang eatery sa Candelaria, Quezon, Biyernes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Eduardo Raymundo, 62, residente at dating kapitan ng Barangay Pahinga Norte.
Batay sa report ng Candelaria police, dakong alas-2:00 ng hapon, nasa loob ang biktima ng ipinagagawang eatery sa Buncayo Subdivision sa kanilang barangay nang dumating ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo.
Pagkababa ng backrider, pinagbabaril nito ang biktima saka muling umangkas sa motorsiklo at tumakas.
Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang biktima. Blangko pa ang pulisya sa motibo ng krimen lalo pa’t tumanggi ang mga kaanak ng biktima na magsalita.
Alam umano ng mga kaanak ng dating kapitan ang motibo sa krimen ngunit piniling manahimik dahil sinasabing makapangyarihan ang sangkot sa krimen.
Nakatitiyak din umano sila na wala ring kahihinatnan ang imbestigasyon ng pulisya at posible pang mapahamak ang maghahalungkat sa ugat ng krimen. (NILOU DEL CARMEN)
227 