EX-BOKAL PATAY SA AMBUSH SA SAN PABLO

LAGUNA – Patay ang isang dating board member at kumandidatong mayor sa Laguna matapos na pagbabarilin ng hindi kilalang suspek sa San Pablo City noong Miyerkoles ng umaga.

Idineklarang dead on arrival sa Pagamutang Panlalawigan ng Laguna sa San Pablo City ang biktimang si Jeffrey Arban Palce dahil sa mga tama ng bala sa dibdib at braso.

Batay sa report ng San Pablo City Police, dakong alas-9:30 ng umaga, kabababa lamang ng sasakyan ng biktima at naglalakad sa bangketa sa Brgy. VII-C kasama ang dating pulis na si Vicentito Visey Isles, nang lapitan ito ng suspek at pinagbabaril.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril at sumakay sa isang naghihintay na motorsiklo na minaneho ng kanyang kasama.

Si Palce na residente ng Barangay Antipolo, bayan ng Rizal, ay dating pangulo ng mga municipal councilor ng Laguna at nagsilbi bilang ex-officio member ng Sangguniang Panlalawigan ng Laguna.

Noong 2019 election ay kumandidato ang biktima bilang mayor ng kanilang bayan ng Rizal ngunit natalo ng kasalukuyang mayor na si Vener Muñoz na iprinotesta ni Palce.

Kasalukuyang nasa tanggapan pa ng Comelec ang protesta ni Palce.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso at inaalam kung ano ang posibleng motibo ng mga suspek sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)

161

Related posts

Leave a Comment