NASAWI ang isang dating konsehal ng bayan makaraang ma-reinfect ng nasabing virus sa Balagtas, Bulacan.
Base sa report, July 20 nang mamatay sa COVID-19 si Konsehal Ariel Puatu, 56, residente ng Longos, Balagtas, Bulacan.
Napag-alaman na buong pamilya umano ni Puatu ang tinamaan ng naturang virus at si Konsehal at ang asawa nitong si Gemma ang sinasabing pinaka-grabe ang naging kaso habang mild cases naman sa dalawa nitong anak.
Base sa report, July 16 nang lagnatin ang konsehal at nang ika-apat na araw ay na-comatose ito at isinugod sa Sacred Hospital sa Malolos hanggang sa bawian ng buhay ng araw ding iyon, July 20.
Nabatid na bakunado na ng first dose ang konsehal at pamilya nito gamit ang Sinovac vaccine pero hindi pa rin kinaya ng konsehal ang bagsik ng COVID-19.
Napag-alaman pa na ito ang ikalawang beses na tinamaan ng nasabing infectious disease ang konsehal.
Labis naman ang pagtataka ng mga kamag-anak at kaibigan maging ang pamilya ni Puatu kung bakit sa kabila ng bakuna ay nasawi pa rin ang mahal nila sa buhay. Pagpapatunay anila na wala pa ring kasiguruhan sa kaligtasan ang taumbayan kahit bakunado na.
Ayon sa Department of Health (DOH), kahit fully vaccinated ka na laban sa COVID-19 ay maaari ka pa rin magka-Covid subalit hindi na risky ang buhay at mas madali nang magamot ang virus.
Si Puatu ay nahalal na konsehal ng bayan at tatlong terminong nanungkulan bilang municipal councilor mula 2001-2010 habang naging alkalde naman ang kanyang ama na si Mario Puatu noong 2001-2004.
Si Puatu ay kasalukuyang hepe ng Public Employment Service Office (PESO) ng lokal na pamahalaan ng Balagtas. (ELOISA SILVERIO)
