KUMPIYANSA si Senador Panfilo Lacson na makukuha ng bansa ang kinakailangang hustisya kaugnay sa mga iregularidad sa flood control projects sa pamamagitan ng mga itinalagang chairman at miyembro ng Independent Commission for Infrastructure.
Sinabi ni Lacson na good choice o mahusay ang pagkakapili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay dating Supreme Court Justice Andres Reyes bilang chairman ng ICI.
Kinumpirma ni Lacson na nakilala na niya si Reyes noong nasa Korte Suprema pa ito at kilala sa pagkakaroon ng integridad.
Sa ilalim anya ng pamumuno ni Reyes sa ICI kasama sina dating DPWH Sec Rogelio Singson, Mayor Benjamin Magalong at Rossana Fajardo, country managing partner at auditing firm SGV and Co., makaaasa ang publiko ng hustisya mula sa mga isyu ng katiwalian dulot ng walang kabusugan na mga ganid na opisyal ng gobyerno kung saan karamihan ay mula sa legislative at executive branch ng pamahalaan.
Para rin kina Senate President Tito Sotto, at Sen JV Ejercito, good choice si Reyes dahil sa maganda ang record nito.
o0o
Makatutulong sa Imbestigasyon
Samantala, pinawi ng Department of Justice (DOJ) ang duda na posibleng maging duplikasyon ng trabaho ng kagawaran at Office of the Ombudsman ang binuong Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng pamahalaan para mag-imbestiga sa malawakang anomalya sa flood control projects.
Tugon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, magko-compliment o makatutulong at makadaragdag ang ICI sa pangangalap ng ebidensya sa pagresolba ng kontrobersya.
Sa bandang huli aniya, ang DOJ pa rin naman at Ombudsman ang maghahain ng kaukulang kaso laban sa mga lalabas na sangkot sa iba’t ibang anomalya sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.
(DANG SAMSON-GARCIA/JULIET PACOT)
165 